KILATIS

Panday-lipunan

by Kit “Kilatis” Lagare

posted 19 December 2010

1:14 pm

 

MANGULIMBAT NG MALAKING HALAGA,

AYUSIN SA KONTING BARYA

 

Walang kwenta nga ba ang ating mga batas? Binaboy na naman ba ang ating mga batas? Mga bobo ba ang mga Hurado sa Second Division ng Sandiganbayan, sa pamumuno ni Presiding Justice Edealberto Sandoval? Sila kaya’y tinakot? Sinuhulan? Tinakot na, sinuhulan pa? Ito ang mga katanungan na bumabagabag sa isipan ng sambayanang Pinoy, matapos pansamantalang palayain kahapon si Major General Carlos Garcia.

 

Sa aking sobrang liit na kaalaman, ang “Plea bargaining” ay isang pamamaraan para makapagtipid ang pamahalaang Amerika. Ito ay maari lamang ihain ng isang akusado bago pa umpisahan ang paglilitis.

 

Tapos na magprisenta ng ebidensya ang nag-aakusa, sa kasong pandarambong laban kay Major General Carlos Garcia, saka pa lang naghain ng “Guilty Plea” (si Garcia) sa malabnaw na kasong “Direct Bribery.” Ito ba’y pang-aalipusta o pang-iinsulto sa dunong ng mga Pinoy?

 

Nakakabilib kung papano nasikmura ni Justice Edealberto ang pumayag na pansamantalang (huwag tayong magtaka kung bigla siyang maglahong parang bula) palayain si general problem. Una, lipas na ang kanyang karapatang mag plea bargain. Pangalawa, masyadong maliit ang alok ni general na magsuli lamang ng 130M pesos kumpara sa mahigit 300M pesos (pinakawalang-wala), pinagpapalagay na kanyang nakulimbat. Pangatlo, may porfeiture case na para sa mga ariarian ni general problem. Pang-apat, ni hindi ininguso ni general problem ang kanyang mga amo na malamang mas kawatan kaysa kanya. Na pinaniniwalaang mas malaki ang parte, kaysa sa kanya, sa kanilang mga kinawat.

 

Huwag na yung punto na luging-lugi ang taongbayan. Ang mas halagang usapin, ang kalakaran na inilalatag ng Sandiganbayan (sa sitwasyong ito) na okey lang mangulimbat sa kaban ng bayan basta’t magsuli ka ng konting barya kapag ikaw ay nahuli.

 

Magagawa ba ni Garcia na mag-isang mangulimbat sa kaban ng bayan? Imposible! Bakit?

 

Ghost Delivery. Isa ito sa mga modus operandi ng pangungulimbat sa AFP (isa ito sa mga dahilan kung bakit nag alboroto ang tropang Magdalo). Maisasakatuparan ba ito kung ang Comptroller lamang ang nakakaalam?

 

May sound accounting procedure din ba ang AFP? Meron. Dumadaan sa butas ng karayom ang mga transactions, diyan, ika nga. Pero bakit hindi kasamang naimbistigahan ang Chief of Staff sa mga panahong iyon. Ang resident COA Auditor at Ombudsman?

 

Bakit hindi imbestigahan ang mga dating matataas na opisyal ng AFP na nakipagsabayan ng milyon-milyong gastusan ng nakaraang halalan. Hindi ba nagtataka ang Ombudsman kung saang pinagpalang pinanggalingan hinugot ng mga ito ang kanilang winaldas noong nakaraang halalan? Mabuti na lang karamihan sa kanila ay sumimplang. Sumimplang nga ba?

 

Maging kung ang pera man ay galing sa komisyon, hindi ganun ka bobo o tanga ang mga superior officers ni general problem para mapaglalangan niya. Sasabit at sasabit siya kung sosuluhin niya ang mga nakulimbat.

 

“Kaya nga siya sumabit,” maari ninyong sabihin. Sa Amerika po siya sumabit, hindi dito sa Pilipinas. Matagal na kasing inirereport ng US government sa Philippine government ang money laundering activities ni general problem at ng kanyang pamilya, ayon sa napabalita. Hindi kumikibo ang Arroyo Administration (bakit? Para naming di nyo alam) kaya hinuli na siya ng mga Kano.

 

Mabuti kamo may simpatya ang pamahalaang Amerikano sa sambayanang Pinoy. Kungdi dahil sa kanila, patuloy ang ating pagiging BULAG, PIPI, AT BINGI sa pangungulimbat nina GMA and COMPANY.

 

Tigmak ng pagdududa ang galaw na ito ng 2nd Division ng Sandiganbayan na pinamumunuan ni Justice Edealberto Sandoval. Hindi makatarungan na magsoli lamang ng konting barya ang sinomang kawatan na nakapangulimbat ng malaking halaga sa kaban ng bayan, ay palalayain na. Tahasang paglabag ito sa Anti Graft and Corrupt Practices Act. Sa ganitong pagkakataon, hindi na dapat hinihintay ng Office of the Ombudsman na may magsampa pa ng reklamo bago nila umpisahan ang imbistigasyon at sampahan ng kaukulang kaso ang may pagkakasala. Gayundin din ang pamunuan ng kongreso (nagkataon lamang ba o sadyang magaling silang tumayming?) na ngayon ay nagbabakasyon, dapat nilang kilatisin kung nararapat ba ang impeachment sa kasong ito. Iyan ay kung nanaisin nilang ITUWID ANG LANDAS NG PAMAMAHALA SA ATING BAYANG MAGILIW.