LIGALIGIN NATIN

DAPAT BALASAHIN ANG MGA OPISYALES NG COMELEC

PALPAK as in palpak ang nangyaring Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections. Nasalaula ang karapatan ng bawat isang mamamayang Filipino dahil sa karamihan sa kanila ay hindi nakaboto. Ang dahilan, masyadong naantala ang paghahatid ng mga balota, ballot boxes at iba pang election paraphernalias sa mismong takdang araw ng halalan. Pumalpak na nga dahil sa pagkakaantala para umpisahan ang botohan, ang matindi pa mga kabayan ay kung kelan nandoon na ang mga botante na maaga sanang boboto dahil sa pagkaka-alam nila na alas 7:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon ang botohan…biglang ginawa ng COMELEC na alas 10:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon ang halalan. Madami ang nainip at umuwi na lamang. Hindi na bumalik ang nakararaming bilang ng botante dahil sa pagkadismaya sa kapalpakang ito ng COMELEC.

            Sampal sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang nangyaring kapalpakan ng COMELEC. Mauubos ang kanyang buhok kakakamot pero hindi na maibabalik ang respeto sa komisyon kung saan ay may mahalagang papel sa pagpili ng isang karapat-dapat na ihalal ng ating mga kababayan. Dapat ng balasahin ang pamunuan ng COMELEC, maglagay na si P-NOY ng mga karapat-dapat na opisyales. Kalimitan kasi mga kabayan, kagaya ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportations Office (LTO), Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng pamahalaan na kalimitang may isyu ng kurapsyon, ang COMELEC ay nai-isyu rin sa katiwalian lalo na sa mga kandidatong talunan na naghahabol ng panalo. Totoo nga ba na kung minsan ay milyon ang  inihahatag para sa isang paborableng desisyon? Kung totoo…maaaring ang Korte Suprema at Office of the Ombudsman ay nabibilang na rin sa kanilang hanay? Paano pa natin malalasap ang pagbabago?

            Sa 42,000 na barangay sa buong Pilipinas, nadismaya ang nakararami dahil sa kapalpakan ng COMELEC. Madami din ang naging pasaway na poll watchers at teachers. Hindi alam ng iba ang gagawin kaya sa panahon ng botohan ay marami ang nagkaka-iringan, buti na lamang at may mga “media” na nakasuot ng kanilang “media card” mula sa COMELEC na nag-ikot sa iba’t-ibang presinto. Kahit paano ay naibsan ang tensyon sa pagitan ng magkakalabang kandidato na  nag-init ang mga ulo dahil sa nangyaring kapalpakan ng taga COMELEC.

            Dismayado ang Malakanyang sa nangyari, napakahaba ng panahong ginugol para paghandaan ang SK at Barangay elections. Dapat habang maaga ay naayos na ang transparent bidding process ng mga materyales na gagamitin sa eleksyon para hindi nagkukumahog sa paghahabol sa takdang araw ng halalan. Baka naman talagang sinadya para ang ilang tiwaling opisyales ng COMELEC ay kumita mula sa tongpats? Kung ako kay P-NOY babalasahin ko ang mga opisyales ng COMELEC na naglagay sa kahihiyan sa kanyang administrasyon. Simpleng trabaho pero hindi maipatupad ng maayos, pati demokrasya dito sa ating bansa ay nabababoy dahil sa mga kapalpakan ng mga kumisyuner na ito.

            Pinasasalamatan natin ang lahat ng kaibigan at kasamahan sa industriya na nakasama natin sa panahon ng kampanyahan at halalan noong nakaraang Barangay at SK elections.

oOo

            Isang okasyon ang inoobserbahan ngayon mga kabayan,  ang “National Correctional Consciousness Week”. Nagmula ito kahapon mga kabayan at magtatapos sa Oktubre 31, 2010. Lahat ng Municipal at City Jail sa buong Pilipinas ay nakikiisa sa pagdiriwang na ito sa pangunguna ni BJMP Chief Dir. Rosendo Moro Dial. Sa pamamagitan ng Inmates Welfare Division (IWD) ay napapahalagahan ang kalagayan ng mga preso at naiiwasan ang pagkakagrupo-grupo tulad ng mga fraternities na nagaaway-away sa loob ng selda dahil pinaiiral ang Therapeutic Community Modality Program (TCMP). Sa naturang okasyon ay nakikiisa din si BJMP Region 4-A Regional Director Chief Supt. Benito Agpalasin Dorigo sa pagsusulong ng mga programa para sa mga inmates katulad ng legal counseling, open forum kasama ang mga local politicians, family visitation, games at mga libreng serbisyo mula sa mga service providers na nagtuturo para magbasa ng Biblia, feeding program at iba pang programa na pakikinabangan ng mga kapatid na naligaw ng landas.

            Isa ang General Mariano Alvarez (GMA), Cavite Jail sa nagtataguyod ng “National Correctional Consciousness Week” sa ilalim ng pamunuan nina GMA, Cavite Jail Warden Senior Inspector Rolly Sedano at ng aking kumrad na si Jail Inspector Edgardo “Bobot” Jiz Torrecamada. Sa ilalim ng kanilang pamunuan at sa tulong ni Mayora Leonisa Joanna “Ona” Virata ay nagkaroon ng Jail improvements dahil naipatayo ang dalawang (2) overhead elevated water tanks na may kapasidad na walong (8) drums bawat isang tangke ng tubig. Hindi rin nagpapabaya si Mayora Ona Virata sa pagtulong lalo na sa pagbibigay ng gasoline allowance at ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagpapagamit ng dating mushroom garden bilang lot donation na gagamitin ng GMA, Cavite BJMP sa kanilang rehabilitation program. Hindi rin nagpahuli ang RD ng Region 4-A sa pagtulong dahil sa pamamagitan ng kanyang tanggapan ay nabiyayaan ni C/Supt. Benito A. Dorigo ang GMA, Cavite BJMP ng isang brand new “FOTON” brand prisoners van.

            Napakasipag pala ni  Senior Insp. Rolly Sedano dahil bilang isang Certified Public Accountant (CPA) ay nag-aaral pa ito ng Bachelor of Law sa Campbridge Law School sa Dasmariñas, Cavite.

            Si Inspector Edgardo “Bobot” Jiz Torrecamada ay matagal na nating kasangga mga kabayan. Dati siyang Paralegal, Desk Officer sa Imus, Cavite Jail at naging Chief Custodial sa Pasay City Jail noong taong 2006. Nalipat ito sa Manila City Jail bilang Chief ng Records Branch at muling napabalik sa Imus Jail bilang Deputy Warden noong 2008. Napadestino ang ating kaibigan sa Trece Martires City Jail bilang warden mula  June 16, 2008 hanggang July 15, 2009 at nalipat ito sa Silang, Cavite Jail bilang Deputy Warden hanggang sa mabalitaan ng inyong lingkod na nasa GMA, Cavite Jail na ito bilang Deputy Warden mula July 2010 hanggang sa kasalukuyan. Ang huli ko kasing balita dito kay pareng Bobot ay nag-aaral siya sa pagka-abogasya kaya natuwa ang inyong lingkod ng muli kaming magkadaupang-palad. Hindi malayo na isang araw ay mabalitaan ko na isa na sa mataas na opisyal ng BJMP ang ating kaibigan. Keep up the good work… pare ko!

oOo

            Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.BATASMEDIA.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.