TO :  BATASMEDIA NEWS DESK

FM : LIGALIGIN NATIN

 

BONDING NG MGA MEDIA SA APRIL 16

 

NAGKAISA ang mga mamamahayag sa lalawigan ng Cavite, lahat ay gusto ng pagbabago. Last year, nagkaroon ng eleksyon sa Camp Gen. Pantaleon Garcia PPO matapos ang bagyong Basyang. Nabuo ang isang samahan, ang Camp Gen. Pantaleon Garcia Press Club, napagkaisahan ang inyong lingkod bilang mamuno ng samahan bilang presidente. Natalaga si kasamang Ruby Garcia bilang Bise-Presidente at ilang mga kasama bilang mga opisyales at Board of Directors. Hindi maiiwasan sa isang samahan ang magkaroon ng kaunting problema. Sinikap ng inyong lingkod na maiayos ang sistema sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga kumite sa bawat isa, lahat ng functions at guidelines para sa kanilang hinahawakang kumite ay ipinagkaloob ng inyong lingkod sa munti nating kakayahan. Isa lang naman ang atin adhikain, ang maiayos ang sitwasyon ng ating mga kapatid sa industriya. Mahirap ang buhay ng isang Media, sa bawat tinutulungang tao sigurado na ang kapalit nito ay inis at galit ng ating mga nasasagasaan. Masyadong maliit na ang pagtingin ng mga pulitiko at kapulisan sa ilan nating kapatid sa hanapbuhay, hindi naman sa nilalalahat napakarami ding kasama na maituturing na pasaway. Kung sino pa ang bago sa industriya sila pa ang maituturing na walang pakundangan sa pakikihalubilo sa mga matataas na tao sa lipunan. Sabi nga nila, kung sa kapulisan ay may tinatawag na “kotong”, sa Media ay mayroon ding “hao siao”.

          Akala kasi ng iba, komo’t nabigyan ng pagkakataon para makahalubilo ang ilang lehitimong kapanalig sa industriya ay makisig na rin sila. Ang hindi nila alam, sila ang sumisira sa magandang imahe ng iba na ang layunin ay makatao bilang isang public servant.

          Lahat naman ay nag-umpisa sa kabobohan, hindi ko itinuturing na kaaway ang mga pasaway naming kasamahan. Natutuwa nga tayo dahil merong naghahangad na maging isang reporter. Balang araw matutunan din nila ang tinatawag na “asim”. Hulmado na sa pinasok na propesyon kapag naabot na nila ang tinatawag na “asim” mga kabayan. Sa mga mambabasa, isa ka nang matatag at masasabing hindi pipitsuging reporter kapag ang asim na binabanggit ng inyong lingkod ay naabot na ng isang kapatid sa industriya.

          Gago lamang ang magsasabi na isa siyang reporter ngunit ang ginagawa ay taliwas sa sinumpaang tungkulin. Tulad ng binanggit ko kanina, hindi maiiwasan sa isang samahan ang magkaroon ng problema. Para sa karapatan ng nakararami, nagpatawag tayo ng miting para alamin ang kalooban ng bawat isang opisyales at miyembro. May kanya-kanyang opinyon, ayaw ng iba ng panibagong eleksyon. Pero, mas pinanigan ng nakararami na dinaan sa isang botohan ang magkaroon ng pagbabago. Sa Abril 16, 2010 ay bubuo ng panibagong pamunuan ang Camp Gen. Pantaleon Garcia Press Club kasama ang lahat ng kwalipikadong reporter na gustong umanib sa pakikipaglaban sa malaya at demokratikong pamamahayag. Samahan na solido ang damdamin sa pagkakaisa at pakikipaglaban sa karapatan ng bawat isang nagnanais na pumasok sa mapanganib na propesyon sa bansang Pilipinas. Marami sana tayong gustong ipagkaloob sa bawat miyembro at opisyales na pakikinabangan ng lahat. Mga benepisyo na dapat ay pakinabangan ng mga mamamahayag sa panahon ng kagipitan at pangangailangan. Napapansin kasi natin na nagmumukhang pulubi ang isang Media kapag lumalapit sa pulitiko at hepe ng kapulisan na itinuturing nilang kaibigan. Mas marami ang plastik makiharap kapag problema na ang pinag-uusapan. Panahon na para mabago ang sistema, ituring na kapanalig ang mga pulitiko at kapulisan na ang layunin ay makatulong sa kapwa. Ang mga abusado at lumalapastangan sa karapatang pantao ng isang mahirap ay ituring na kaaway ng lipunan.

          Lahat ng kasamahang mamamahayag sa lalawigan ng Cavite ay iniimbitahan ng inyong lingkod sa Abril 16, 2011. Mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ay inaaanyayahan ang lahat para sa isang registration. Magdala kayo ng sertipikasyon mula sa inyong mga publisher at editor na magpapatunay na isa kayong lehitimong reporter ng publikasyon na inyong kinaaaniban. Kalakip ng sertipikasyon ang clippings ng inyong mga news article bilang isang kolumnista o field correspondent.Ang mga nasa broadcast mula sa radio at telebisyon ay kailangan din ng sertipikasyon. Dadaan sa isang “screening committee” ang bawat isang maghahangad na pumasok sa samahan. Malayang makakaboto ang mga kuwalipikado samantalang dadaan muna sa mga seminar ang mga hindi mabibigyan ng pagkakataon para makaboto. Puwede pa rin silang maging miyembro ng bubuuing samahan sa panahon na hulmado na ang kanilang pagkatao sa ninais nilang propesyon bilang isang public servant. Bawal ang pasaway sa grupo. Terminate yourself kapag nilabag ang mga kaukulang batas at “By Laws” na paiiralin ng Camp Gen. Pantaleon Garcia Press Club.. Kailangan ang disiplina sa bawat isang kasapi at hindi papanigan ang mga umaabuso.

          Mga kasama magkita-kita po tayo sa Abril 16, 2011 para sa isang demokratikong pagpapahayag ng ating damdamin.

oOo

          Isang mensahe sa text ang nais nating bigyan ng pansin. Kada araw daw ng linggo ay may patupada sa Brgy. Niog 2, Bacoor, Cavite. Ayon sa isang concerned citizen, halos nasa likuran lamang ng tahanan ni Niog 2 Brgy. Chairman Alex Felizardo ang tupadahan. Hindi alam ng hepe ng kapulisan ang tupadahan, masyadong malakas ang loob ni Kapitan Felizardo para payagan ang patupada sa likuran ng kanyang bahay. May mga ginang na nagrereklamo, wala silang maisaing na bigas kapag natatalo sa sabong ang kanilang mga esposo. Tsk..tsk…tsk… bumalato na lamang kayo sa inyong Brgy. Chairman na pasaway.

oOo

          Binabati natin ang mga nagsipagtapos ngayong 2011 sa kanilang pag-aaral. Tatanggap ng diploma sina ASHPOLGIN “Bulkan” L. MACALANDA  ng New Era National High School at CEDRICK PALATINO ng Dasmarinas National High School. Mga anak sila nina pare Gene at Ellen Macalanda at pare Cris Palatino. Tatanggap din ng diploma si  CHARMAINE ANNE NICOLE Z. DIMAUNAHAN, Grade- VI, Section Santol sa pamumuno ng kanilang adviser na si Mrs. Nelsen Tumaliuan ng Queensrow Elementary School sa Bacoor, Cavite.

          Happy Birthday to BUDDY VILLACRUZ, Public Information Officer (PIO) of Municipality of Rosario, Cavite.

oOo

          Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.




(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.