LIGALIGIN NATIN
By: Jun Maligalig

TANAUAN INSTITUTE BATCH ’79  CHRISTMAS PARTY

SA  December 7, 2010 (Tuesday) ang opening ng basketball tournament na gaganapin sa Camp Gen. Pantaleon Garcia Cavite Police Office basketball court sa Imus, Cavite. Lahat ng mga manlalarong kapulisan mula sa 23  siyudad/munisipalidad na himpilan ng pulisya (MPS at CPS)  ay magtatagisan ng kanilang galing at talento sa pagbuslo ng bola sa pangunguna ni Cavite Provincial Director P/S Supt. Danilo L. Maligalig. Eksaktong alas dose ng tanghali (12:00 Noon), araw ng Martes  ay magkikita-kita ang lahat ng koponan na kalahok sa basketball court ng Camp Gen. Pantaleon Garcia PPO. Magkakaroon ng parada ang lahat ng  team kasama ang kanilang mga nag-gagandahang  Muse.

May kaunting programa, ayon kay Maj. Willy Salazar ay uumpisahan ang First Game na tatampukan ng salpukang Dasmariñas CPS at Cavite PHQ. Dito makikita kung gaano pa katigas ang tuhod ni Cavite Provincial Director P/S Supt. Danilo L. Maligalig. Balita kasi na matikas si PD Maligalig sa pagdi-dribble at kahit ilang rounds… este…ilang quarters pala ay kayang-kaya pa nitong magbuslo ng bola… May mga kapulisan sa lalawigan ng Cavite na matitikas ang galaw kahit maidad na. Sila mga kabayan ang tumatakbo ng pa-atras kapag naglalaro sa loob ng basketball court. Palagi silang nasa botika para bumili ng “Arthro”.

             Bilang presidente ng samahang Publishers and Investigative Reporters on Mass Media Association, Inc. (PIRMMA, INC.) at Camp Gen. Pantaleon Garcia Press Club ay mas minarapat ng inyong lingkod na ilahok ang grupo ng PIRMMA, INC. para makakumpleto ng mga manlalarong mamamahayag na isasabak sa tibay ng tuhod ng mga kapulisan. Nagpapasalamat ang grupo ng PIRMMA, INC. kay Mayor Jenny Barzaga ng Dasmariñas City sa pagtitiwala na ibinigay niya bilang “Team Manager” ng aming grupo. Ang mga bumubuo sa PIRMMA, INC. Basketball Team ay sina Buddy “Aksyon Agad” Villacruz, Raynolie “Bagwis” Pones, Neil Jay Gervacio, Al Centino, Regine Nilooban, Mark Joseph Sajorda, Lody Pones, John Ray Vijuan, Marvin Ramirez, Bong Bandelaria, Sonny “Idol” Ilustre, Arnold “Kastigo” Rodriguez, Ronald Mahusay, Erwin “Tuldukan Natin” Cardozo, Jimmy Bagaporo, Jun Maligalig at Mateo Raynog. Si Germaine Bohol ang magiging Muse ng team na isang graduating student mula sa Gen. Emilio Aguinaldo National High School (GEANHS).

oOo

Isang maselang isyu ang ipinarating sa inyong lingkod. Nagmula ito sa mga vendors at ilang stall owners mula sa KADIWA Public Market na matatagpuan sa Dasmariñas Bagong Bayan (DBB) sa Area B, Dasmariñas City sa lalawigan ng Cavite. Kilala rin ang KADIWA Public Market bilang DBB Public Market at naipatayo ito noong taong 1982 hanggang 1983 sa halagang Php 3.5M na loan ng munisipyo ng Dasma sa National Housing Authority (NHA). Sa hindi maintidihang dahilan, nasunog ang palengke bago magpasko noong Disyembre 23, 1997. Nalugi ang mga vendors at maliliit na negosyante. Muling naipatayo ang palengke noong Enero  1998 dahil na rin sa tulong ng mga market vendors na nagbigay ng kontribusyon at nakalikom ng halagang Php 2.5M. Problema ilang buwan lang ang nakalilipas, muling nasunog ang palengke noong Hunyo 30, 1998, halos 30% ng bahagi ng palengke ang nasira. Muli na naman itong naipagawa. Dugo at pawis na ang ibinuwis ng ating mahihirap na kababayan para lamang mapanatiling matatag ang isa sa pinakamurang pamilihan sa lalawigan ng Cavite.

            Sa isyu na isasa-pribado na ang pamilihang bayan na ito ay marami ang nagtataka kung bakit nangyari ang isang kasunduan sa pagitan ng Dasmariñas City government at isang dambuhalang kompanya sa pamamagitan ng “long term lease agreement” na walang konsultasyon sa mga market vendors. Isa daw banta sa pagkawasak ng kanilang kabuhayan, ari-arian at kinabukasan ng humigit kumulang sa 3,000 pamilya na umaasa sa hanapbuhay na pagtitinda, pagkakargador, apektado din ang mga tricycle at tribike drivers pati na rin ang mga maliit na mamumuhunan na mga stall holders at mga kalapit na talipapa at groserya na siguradong maaapektuhan kung matutuloy ang balaking ito. Mukhang wala ding alam ang NHA sa kasunduang ito base sa isang video footage na hawak ng inyong lingkod. Eh..bakit tila nananahimik na rin ang NHA sa usaping ito. Hawak din ng inyong lingkod ang mahahalagang dokumento na magpapatunay kung may nilabag nga ang lungsod ng Dasmariñas  base sa Contract of Lease sa pagitan ng City of Dasmariñas at dambuhalang kompanyang ito na kanilang pinagtibay noong Marso 19, 2010.

            Bukas ang kolum na ito para kay Mayor Jenny Barzaga. Sa lahat ng nagtetext at nagpapadala ng mensahe sa e-mail, hindi ko po muna ilalabas ang kumpletong detalye ng isyu habang hindi ko pa nakakapanayam ang butihing alkalde ng lungsod ng Dasmariñas.

oOo

Magkikita-kita na naman ang grupo ng TANAUAN INSTITUTE BATCH  ’79. Sa December 12, 2010 ay gaganapin ang Christmas Party ng tropang pasaway. Mag-uumpisa ito bandang 12:00 ng tanghali sa Ishikari Motors na matatagpuan sa Brgy. San Roque, Sto. Tomas, Batangas. Last year ay naka-attend pa ang inyong lingkod ng reunion, madami na ang nabago. Ang mga dating magugulo kong kaklase ay medyo naging tahimik. Tinamaan na kasi ng diabetis ang iba lalo na ‘yung mahihilig sa laman-loob ng baka, hindi makaporma sa harap ng baso si kasamang Arman Magsino. Pasaway pa rin ang aking pinsan na si Albino “Jun”  Huelgas, may baon pang litsong pabo ng dumating sa reunion, tumatagay na ng Fundador ngunit naghahanap pa rin ng “gin”. Bukod kasi sa inuming  “lambanog”, ang agua de pataranta na “gin” ang paboritong laklakin sa Batangas mga kabayan.

Sa ginanap na miting kamakailan sa puwesto ni kasamang Rico Landicho sa Brgy. San Roque, Sto. Tomas, Batangas ay nakapanayam ng inyong lingkod sa pamamagitan ng cellphone ang isa sa paborito kong kaklase noon na ayaw magpakopya ng assignment  na si Leonisa “Leony” Gonzales Malabuyo. Sa pangunguna ni Dr. Tony Hidalgo ay  naroroon din sina Ricardo “Joey” Carandang, Rolando Andaya, Mike Biscocho, Fely de Jasmin, Vangie Perez, Fely Villa, Mariane Contreras, Tita Natividad, Rey Latayan, Josie Perez Latayan, Menchie  Gomez, Lourdes Villapando at Brgy. 5, Tanauan City Brgy. Chairman Isidro “Ranny” Fruelda … wala na bang nakalimutan? Sila  kabayan ang mga masisigasig para ang pundasyon at layunin ng Tanauan Institute Batch ’79 ay maging matibay at magkaroon ng katuparan.

Madami na pala sa aming ka-batch ang nangibang-bansa. Ilan sa nabanggit ni kasamang Leony na nasa bansang Amerika ay sina Irma Roxas, Alma Reyes, Julita Robles, Evangeline Magaling, Evangeline Vargas, Pelagia Platon, Mila Nuico, Eugenio Pamplona, Marivic Gonzales, Rolando Trambulo, Cynthia Tapia Guillermo, Digna Magnaye, Ma.Theresa Corpuz, Amelito Torres, Gilbert Guillermo, Danny Aguilar, Rey Magpantay, Elmer De La Peña, Edmundo Silva, Noel Silva, Evangeline Gariando, Adahlia Tapia, Flordeliza Malveda, Trinidad Villegas, Susana Nuñez at Teodora Castillo. Nasa  bansang Canada naman sina Victor Mercado, Basilio Magpantay, Roehl Masakayan, Roehl Lagarde, Eugenio Angulo, Dora Cristina Gonzales, Benito Solomon, Socorro Francisco, Fe Borja, Ma. Lourdes Macaisa at Gerry Barrairo.

Sina Lolita Lumban, Socorro Barrion at Cecille Calalo ay nasa bansang Australia. Ang mga okpasaway kong kalaro palagi noon sa basketball  na sina Rodelio Dela Rosa at Juanito Marfa ay nasa Spain na pala. Nasa Dubai naman sina Vicente Torcula at Jimmy Unera. Sina Margarita Castillo at Marcelo Landicho ay nasa Switzerland samantalang si Benilda Hidalgo ay nasa New Zealand. Nasa United Kingdom sina Amalia Maldia at Restito Quiatchon at si Myrna Bautista ay pumalaot na rin sa bansang Italy. Ewan ko lang kung nasaan na sina Danny at Dencio Salango, balita na nasa bansang Canada na rin ang magkapatid na ito. Nasaan na rin si Vicente Nones, nasa ibayong-dagat  ka pa ba pare ko? And’yan pa ba si Marcelina Garcia, Rogelio Javier at ang makulit na si Manolito Ladra? Dati ay taga dala ako ng sulat ng kumag na ito kapag nanliligaw kay Pablita Trinidad, hehehe… Masarap isipin na karamihan sa aming grupo ay naging successful sa larangan na kanilang tinatahak sa kasalukuyan. Ang iba naman ay mga professional na sa kurso na kanilang pinagsunugan ng kilay noong nasa kolehiyo.

Dalawa lamang yata sa aming “batch” ang naging journalist sa propesyon. Isa na rito si Rolly Carandang ng Tempo/ Manila Bulletin at ang inyong lingkod na kahit nagtapos ng Inhenyero Sibil ay napasabak sa pagiging public servant bilang kolumnista at broadcaster sa “hard hitting tabloid”, internet website at ilang community newspaper. Sa bawat maselang isyu na aming pinakikialaman siguradong malalagay sa peligro ang buhay.

Siguradong mamumula na naman ang hasang nina Joselito Onte at Alberto Luna, he he he…

Well, magiging masaya na naman ang pagkikita ng dating magkakasangga at kung loloobin ng ating Panginoong Diyos ay posibleng makarating ang inyong lingkod sa gaganaping Christmas party. Napasabay kasi ang ating pag-iisponsor sa isang binyagan sa Imus, Cavite. Tulad ng dati, magkakaroon ng palarong “binggo”, pa-raffle at exchange gift para ang presensiya at espiritu ng araw ng kapaskuhan ay maipadama sa bawat isa. Sa ating mga kasama na nasa ibang bansa, palagi kayong mag log-on sa www.batasmedia.com.

oOo

Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon… text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes, tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.