TO: BATAS MEDIA NEWS DESK

FM : LIGALIGIN NATIN

 

NAG-ISYU BA NG PERMIT ANG  DPWH-CAVITE?

MATAGAL na hindi nagawi ang inyong lingkod sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang Cavite Engineering District na matatagpuan sa Capitol Compound, Trece Martires City. Huling nagawi ang inyong lingkod sa DPWH-Cavite noong ang District Engineer pa ay ang ating kaibigan na si Engr. Jun Sarne. Sayang nga lamang, matapos ang ipinagkaloob niyang pananghalian sa kanyang tanggapan noong huli kaming magkita ay nagpaalam na siya sa inyong lingkod. Baka matagalan na raw bago kami muling magkita, nakatakda na kasi siyang ipasok sa ospital para ipagamot ang bukol sa kanyang lalamunan. Unti-unti na kasing nawawala ang boses ng ating kaibigan. Huli na ng mabalitaan ng inyong lingkod, pumanaw na pala ang ating kaibigan. Natatandaan ko pa, minsan ko siyang tinawagan sa kanyang cellphone upang kumustahin ang kanyang kalusugan, kapatid niya ang sumagot sa linya. Hindi ko na muling narinig ang kanyang tinig. Nandoon pa rin ang kanyang mga dating staff ng dumalaw ang inyong lingkod kamakailan, isa si Ma’am Tina sa naparehistro sa aking balintataw.

                Isang isyu ang gusto ko sanang kalkalin mga kabayan kaya nagawi ang inyong lingkod kamakailan sa tanggapan ng bagong District Engineer na si D.E. Oscar U. Dela Cruz. May reklamo tayong natanggap mula sa residente ng Brgy. Zapote 5, Bacoor, Cavite. Lumubog na ang naturang lugar noong nakaraang kalamidad at ngayon na muling papasok ang malalakas na bagyo ay nangangamba sila na ang kanilang kinalalagyan ay maging dagat o kumunoy ng kamatayan. Isang proyekto ang kasalukuyang ginagawa sa lugar ng Brgy. Zapote 5, ang pagtatambak sa isang palaisdaan kung saan ay idinamay sa pagtatambak ang walong metrong lapad ng creek na dinadaluyan ng tubig. Isang residente ang nagpakita sa inyong lingkod ng titulo ng kanyang property katabi mismo ng tinatambakang palaisdaan. Naroon ang creek, patutunayan din ito ng vicinity map na magpapatunay na mayroong creek na natabunan ng lupa dahil sa proyektong ito. Ang Brgy. Chairman ng Brgy. Zapote 5 na si Kapitan Norman Lacson ay minsan nating nakausap sa kanyang cellphone. Nagbigay siya ng takdang araw para magharap sa kanilang Brgy. Hall at ipakita kung totoong may creek. Pinatawag natin ang isang kasamahang reporter kung nandoon na si Kapitan Norma sa Brgy. Hall. Wala po ako sa Brgy. Hall dahil my kamiting ako sa labas, ito daw ang sabi ni Kapt. Sa lugar ng Longos lumaki si Kapitan, ewan kung talagang hindi niya alam na may creek sa gilid ng dating palaisdaan. Sabi ng isang residente, imposible na hindi ito alam ng kanilang Kapitan. Sabagay, may pasubali si Kapitan Lacson. Hahabulin daw niya ang creek at ipabubungkal ang tambak ng lupa kapag napatunayang totoo ang reklamo. Sige Kapt., antayin mo munang bumagyo para lalong masaya.

                Walang alam ang Municipal Engineer ng Bacoor at mga taga Zoning Dep’t. sa ginagawang pagtatambak sa kanilang lugar ng makapanayam ng inyong lingkod. Para maging klaro kung may permit mula sa DPWH ang proyektong ito, minarapat ng inyong lingkod na pasyalan si Engr. Oscar Dela Cruz. Ipinagbigay alam ko ang aking pakay sa kanyang sekretaryo na nakilala sa pangalang Bernard. Pasado alas diyes ng umaga, matiyagang naghihintay ang inyong lingkod para makapanayam ang hindi ko pa kilalang District Engineer. Habang mabilis na tumatakbo ang tik-tak ng orasan, panay ang kalam ng aking sikmura. Nasilip ko sa orasan, mag aalas-onse y media na pala ng tanghali kaya nabubuhay na ang mga bulati sa aking tiyan. Napansin ng inyong lingkod, inilabas na ng sekretaryo ni Engr. Dela Cruz ang kanyang mga gamit upang dalhin sa kanyang sasakyan. Naubos ang oras ng inyong lingkod na hindi nakausap ang District Engr. na si Dela Cruz. Siguradong pag tumayo na ito sa kanyang upuan ay diretso na itong lalabas, paano ko pa makakapanayam ang DE na ito samantalang papalapit na ang oras ng pananghalian.

                Malaking pagkakaiba noong panahon ni Engr. Sarne, sa pamunuan ni Engr. Dela Cruz ay napansin ng inyong lingkod na hindi uso sa kanyang tanggapan ang tinatawag na “first come, first serve”. Habang naghihintay ang inyong lingkod sa isang upuan ay panay ang labas at pasok ng mga bagong dating na bisita. Ang sekretaryo naman ni Engr. Dela Cruz na si Bernard ay busy kuno ang dating, para itong tipaklong na patakbo-takbo  habang lumalabas at pumapasok sa pintuan ng kanilang opisina. Wala na akong pakialam kung ayaw akong kausapin ng tinamaan ng magaling na District Engineer. Ang tanong? May permit ba ang lugar na tinatambakan sa Brgy. Zapote 5? Bawal tambakan ang creek, posibleng lumubog ang Zapote 5 kapag dumating ang malakas na unos. At kapag nangyari ito, posibleng maglutangan ang kabaong at mga patay. Katabi ng tinatambakang palaisdaan ang isang Funeraria malapit sa simbahan ng Iglesia Ni Cristo.

oOo

                Patuloy pa rin pala ang pangongontrata ng mga taxi drivers sa lugar ng Festival Mall sa Alabang, Muntinlupa City. Mukhang malakas kay Mayor Aldrin San Pedro ang presidente at dispatcher ng terminal na ito. Muling sumakay ang isa nating kaibigan sa isang FX taxi at nagulat na lamang ito ng singilin ng halagang P250.00  ng tulig na driver. Mula Alabang Festival Mall hanggang Poblacion ng Muntinlupa ang biyahe, masyadong mataas ang sinisingil ng animal. Itinanong pa ng gagong driver kung alam na raw ba ng ating kaibigan ang patakaran at kalakaran sa pagsakay sa kanilang terminal. Itinanong pa ng tulig kung sinabihan daw ba sila ng kanilang dispatcher. Normal na sitahin ang driver ng FX, sumagot pa ng pabalang ang tukmol na subukan daw na ang ating kaibigan na lamang ang mamasada. Dahil sa buwisit ng pasahero na isang mamamahayag, ipinabalik ang sinasakyang FX Taxi sa terminal ng Festival Mall. Ayon pa sa ating kaibigan, parang puwit ng manok ang bunganga ng tarantadong driver sa kapuputak. Ayaw paawat kahit pinipigilan ng kanyang mga kabaro sa iligal na operasyon ng kanilang terminal.

                Magkano kaya ang hatag ng presidente ng terminal na ito sa mga kinauukulan? Malakas ang loob ng mga lekat, iba talaga kapag may parating na lingguhang abuloy. Malakas din ba kayo sa Land Transportation Office (LTO)?

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes,tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.

 


(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.