TO : BATAS MEDIA NEWS DESK

FM : LIGALIGIN NATIN

 

BASKETBALL COURT GINAWANG SABUNGAN

 

NAIS nating bigyang-pansin ang mga reklamo at mensahe mula sa text na ipinadadala sa inyong lingkod. May mga kababayan tayo na walang mapagsumbungan at sa pamamagitan ng kolum na ito ay umaasa sila na  maipababatid natin sa kinauukulan ang mga hindi magandang nangyayari sa kanilang lugar. Marami talagang pasaway na umaabuso sa kanilang kapangyarihan.

oOo

          Isang residente mula sa Brgy. 178, Villa Imelda, Area-D, Camarin, Caloocan City ang nag-text sa inyong lingkod. Sa kanilang lugar daw ay libangan araw-araw ang “tupada”. Bandang alas 3:00 ng hapon kung umpisahan ang patupada at ginaganap ito sa loob mismo basketball court ng Bukid Area. Dati kasing bundok ang lugar na ito mga kabayan.

Sa halip na makapaglaro ang mga manlalaro sa basketball court na ito ay mga sabungero ang nagpi-piyesta sa lugar na dapat sana ay libangan ng mga kabataan. Isang alyas Leo Zaragoza ang pasimuno diumano sa patupada na malakas daw sa hepe ng kapulisan d’yan sa Camarin, Caloocan City. Ayon sa nagsumbong sa inyong lingkod, masyado daw kunsintidor ang Brgy. Chairman sa kanilang lugar na si Kapitan Felipe Alday. Tuwang-tuwa naman daw ang ilang tiwaling kapulisan na todo ang pag-laklak ng alak sa isang tagong iskinita habang ginaganap ang pasabong. Halos ay tatlong bahay lamang ang pagitan ng kanilang pinag-iinuman mula sa basketball court na ginawang tupadahan. Masarap talagang pulutan ang talunang manok mga kabayan. Lalo na kung ang pagkakaluto dito ay adobong paiga na maraming gata, siguradong abot hanggang tenga ang ngiti ng mga mamumulutan dahil sa sarap at linamnam. Marami daw diumano na kumpareng kapulisan si alyas Zaragoza kaya tuloy ang ligaya ng mga sabungero sa kanilang lugar.

Magkano kaya ang lingguhang abuloy na tinatanggap ng hepe ng kapulisan sa lugar na ‘yan? Ang Brgy. Chairman naman na si Alday ay pakuya-kuyakoy na lamang lalo na kapag araw ng Linggo dahil sa intelihensiya na natatanggap sa araw-araw na pasabong. Kasuwerte naman ng mga tukmol na ito. Siguradong hindi lamang iligal na sugal tulad ng tupada ang mamamayagpag sa lugar ng Brgy. 178, Villa Imelda, Area-D, Camarin, Caloocan City, pati iligal na droga na dapat iwasan ng mga kabatan ay magiging talamak sa lugar na’yan dahil ang basketball court na dapat sana ay pinaglilibangan nila para maiwasan ang masasamang bisyo ay ginawa ng sabungan ng mga taong ang nais ay kumita ng iligal para sa kanilang pansariling interes. Dalawang police detachment ang malapit sa lugar ng tupadahan. Alin kaya sa dalawang detachment commander ang nakikinabang sa iligal na tupadahan? Ang Kiko Detachment o ang Urduja Detachment? Alam kaya ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang nangyayaring ito sa kanyang nasasakupan?

oOo

          Isang lola mula sa Gapan, Nueva Ecija ang nang-gagalaiti sa galit ng makapanayam ng inyong lingkod. Nais niyang iparating ang hindi magandang sistema na umiiral sa Gapan District Hospital. Malapit lamang ang ospital na ito sa Bayanihan at munisipyo ng Gapan City. Ang apo daw niya na tatlong taong gulang pa lamang ay nagkaroon ng “primary”(mahina ang baga) at ipinagamot nila sa isang doktor na hindi na muna natin papangalanan. Ang siste, sa siyam na buwan na pagpapagamot ay halos ay tatlong beses na itong isinasalang para magpa “x-ray” ngunit tila hindi gumagaling sa kanyang karamdaman. Minarapat ng lola ng bata na dalhin ang kanyang apo sa isang Health Center malapit sa palengke ng Gapan. Ayon sa doktor na nakausap ng lola ng bata ay mali daw ang sistema ng paggagamot ng naunang doktor na tumingin sa kanyang apo. Kawawa daw ang bata dahil maluluto ang atay kaya pinahinto na pati ang iniinom na gamot nito. Buti na lamang daw at naagapan, napahamak na sana ang kanyang apo dahil sa kapabayan ng doktor na tumingin sa kanyang apo sa Gapan District Hospital. May pahabol pa si lola, tuloy daw ang bola ng “huweteng” sa kanilang lugar.. he he he…

          Ala eh….anak ng huweteng kayo ‘dyan sa Gapan District Hospital! Anong klase ba ng doktor ang gumamot sa apo ni lola? Mahirap lamang ang buhay ng lola na nagpa-abot ng reklamo sa inyong lingkod. Sayang ang pera na ginastos sa pagpapagamot ng bata sa loob ng siyam na buwan. Ayusin ninyo ang serbisyo sa inyong mga kababayan, kawawa ang mga mahihirap na nangungutang lamang ng pera para makapagpagamot ngunit sa halip na gumaling ay mapeperwisyo lamang.

          Tatlong beses sa loob ng isang araw ang bola ng huweteng sa Gapan, Nueva Ecija. Ang lumabas sa binola kahapon ay numerong “21 – 36”. Binobola daw ito sa tibag ng San Lorenzo, Gapan City. Palagi daw nakabantay ang “look-out” malapit sa bisita ng San Lorenzo. Baka madale ng “one-strike-policy” ni PNP Chief Dir. Gen. Raul Bacalzo ang hepe ng Gapan City mga kabayan. Huwag naman sana, kawawa naman…  

oOo

          Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com., Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.




(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.