BY: JUN MALIGALIG


SIMULAIN

MASAYA at matagumpay na naidaos ang “pot luck” ng mga mamamahayag na ginanap kamakailan sa loob ng Camp Gen. Pantaleon Garcia Provincial Police Office. Sa pagpasok ng “Year of the Metal Rabbit” ay napansin natin na mas nakararami sa mga kasamahan sa industriya partikular ang mga naka-base sa lalawigan ng Cavite ang naghahangad ng tunay na pagkakapit-bisig at pagkakaisa. Kahit galing ang karamihan sa “holiday vacation” ay may mga kapatid sa industriya na dumating mula pa sa Manila para lamang ipakita ang kahalagahan ng presensiya ng pag-alala sa kapanganakan ng Panginoon nating Hesus at pagsalubong  sa isang magandang simulain na puwedeng ipagpatuloy sa mga susunod na panahon.

                Kanya-kanyang bitbit ng inumin at pagkain, hindi ito ang mahalaga dahil hindi naman obligado ang bawat isa na magdala ng pagsasaluhan sa naturang okasyon. Isang pagsubok ang pagpapa-imbita natin sa mga kapatid sa hanapbuhay para sa isang  salo-salo upang mapatunayan na sa simpleng pagsasama-sama ay posibleng mabuo at mapagbuklod ang iba’t-ibang asosasyon at grupo na kanilang kinaaaniban. Kung may mga negatibo man na reaksyon mula sa iba, iilan lamang siguro sila dahil majority ng mga kapatid sa industriya na palagi nating nakakadaupang-palad ay nagsidating sa nasabing okasyon.

                Salamat sa suporta na ibinigay ng iba nating kaibigan na naging daan para mairaos ang simpleng pa-raffle. Simpleng pa-raffle na inumpisahan sa mga munting regalo ngunit natapos na ang lahat ay may mga ngiti sa labi na nagsi-uwi dahil walang makapagsasabi na may umuwing luhaan sa lahat ng kaibigan at kasamahan na dumalo. Maraming natuwa sa bigas na natanggap ng iba nating kasamahan mula sa suporta na nanggaling kay Mayor Jose “Nonong” Ricafrente, Jr. ng Rosario, Cavite. Dalawang malalaking isda mula sa baybayin ng Cavite naman ang dumating dala ng mga kapulisan sa nasabing bayan. Salamat din sa suporta na ipina-abot ni P/Supt. Miguelito J. Descalzo, hepe ng kapulisan sa bayan ng Rosario, Cavite.

                Nagsidatingan din ang ilang publishers at editors ng mga lokal at nasyunal na pahayagan, hindi rin nawala ang presensiya ng dalawang beteranong mamamahayag na naka-base sa lalawigan ng Cavite na sina Ka Eli Taparan at Ka Del Villanueva. Naging masigla ang pag-eemcee ni kasamang Buddy Villacruz ng D’ Bomb Radio 91.9 FM na sinaliwan ng mga awitin at sayawan ng mga nagkakatuwaang grupo.

                Kahit tapos na ang holiday vacation ay napilitang ilabas ni Cavite Provincial Director P/S Supt. Danilo Lawas Maligalig ang mga aginaldong natitira pa sa kanyang likmuan. Bukod sa regalo ay tinapos ni PD Danny Maligalig ang okasyon sa pagbibigay ng importansiya sa ating mga kasamahan. Ginugol niya ang oras mula umpisa hanggang sa matapos ang okasyon na kahalubilo ng mga mamamahayag. Kinabukasan, nakatanggap ang inyong lingkod ng reaksyon mula sa ilang dumalo sa naturang “pot luck”, ibang klase daw pala si PD Maligalig. Matindi ang suporta na ipinakikita niya sa mga kapatid sa hanapbuhay matupad lamang ang isang napakahalagang  layunin…ang mapagka-isa ang mga mamamahayag sa kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng munti niyang kakayahan.

                Isang layunin na posibleng magka-mayroon ng katuparan upang ipagpatuloy ang isang simulain. Sa lahat ng mga kapatid na dumalo at nakiisa…maraming salamat sa inyong lahat. Ipagpapatuloy na natin ang isang simulain na magbibigay ng mahalagang papel sa bawat isa. Ang kapulisan at mga pulitiko na palaging nakakahalubilo ay ituturing nating kaibigan, magiging kaaway lamang tayo ng mga abusado sa kanilang kapangyarihan. Panahon na rin para i-angat ang imahe ng bawat isa, maraming paraan para ang mga benepisyo at karapatan ng bawat kasamahan ay maibigay sa panahon ng pangangailangan na kung minsan ay nakakagawa ng pagkakamali dahil sa paghahanap ng matatakbuhan. Mga proyektong pangkabuhayan at iba pang pagkakakitaan na hindi masasalaula ang imahe ng ating propesyon bilang isang public servant.

                Maganda ang prediksyon sa ating bansa sa taong 2011, samantalahin natin ang simbulo at senyales na ito para sa isang magandang simulain.

oOo

                Tinatawagan natin ng pansin si dating Kagawad Joel Tolentino ng Brgy. Banlic, Cabuyao, Laguna. Bakit ayaw mong sagutin ang iyong cellphone kapag tinatawagan ka? Ano na ang nangyari sa project mo sa E.G Tomas Enterprises? Natapos na yata ang proyekto at nabayaran na kayo,paki-ayos habang maaga ang natitirang obligasyon mo sa isa mong supplier. Kawawa naman ang mga taong pinaasa at nagtiwala sa inyo lalo na ‘yaong hindi sanay sa usapang balisawsaw. Period!

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon.. text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet  website www.batasmedia.com. Trabaho po lamang at walang personalan.