TO : BATASMEDIA NEWS DESK

FM : LIGALIGIN NATIN ni Jun Maligalig

BTMO SA BACOOR, CAVITE DAPAT DING BALASAHIN

HINAGPIS ang karamihan sa mga traffic enforcers na nakatalaga sa Cavite Traffic Management Office (CTMO). Nagkatanggalan kasi mga kabayan ang mga traffic enforcers na palaging nakababad sa init at lamig ng panahon. Mahigit sa 100 ang bilang ng mga ito na nakakalat sa bisinidad ng Cavite partikular sa kahabaan ng Aguinaldo Highway. Ang problema, ang iba ay nasibak na hindi pa daw nakukuha ang kanilang dalawang buwang suweldo. May separation pay ba ang mga naglingkod sa CTMO ng mahabang panahon? Kung sa CTMO ay kailangan ng pagbabago, sa Bacoor, Cavite ay dapat na ring iayos ni Mayor Strike Revilla ang pamunuan ng Bacoor Traffic Management Division (BTMD). Matagal na tayong nakakatanggap ng mga reklamo mula sa mga kawawang  jeepney at mini-bus drivers na bumibiyahe mula Naic patungong Zapote. Mahal na nga ang presyo ng bilihin, krudo at gasolina, mapapadagdag pa sa kanilang obligasyon ang sangkatutak na lagayan o kotongan para lamang sila malayang makabiyahe at makaligtas sa panghuhuli ng mga traffic enforcers mula sa BTMD. Ayon sa ipinadalang mensahe sa inyong lingkod, malakas daw kay Mayor Strike Revilla ang hepe ng BTMD na si Gerry Del Rosario kaya kahit marami ng reklamo na ipinararating sa kanilang tanggapan ay tila bingi ang pamunuan nito sa karaingan ng maraming motorista. Hindi sa nilalahat, katulad ng mga taga CTMO, hindi rin natin masisisi ang mga traffic enforcers ng BTMD kung lantaran ang kanilang ginagawang pagtanggap sa mga jeepney at mini-bus drivers ng palima-limang piso o sampung piso na abuloy. Totoo nga ba na hindi rin nakakasahod o nakakasuweldo ng ayos ang mga traffic enforcers na parating nakabilad sa gitna ng araw?

            Ang mga pampasaherong mini-bus ang lubhang naa-apektuhan sa nangyayaring kotongan dahil mula pa lamang sa lugar ng Zapote ay halos madurog na ang bulsa ng mga ito. Ayon sa aking “labuyong gala”, ang mga kolektor na ginagamit diumano para sa pang araw-araw na abuloy na nagpapahirap sa mga kawawang drivers  ay sina alyas Archie, Ronald at Roger Balbas na ang amo ay isang pulis LP. Kanino napupunta ang koleksyon nina Archie at Ronald? Alam ba ito ng Barangay Officials na nakakasakop sa lugar ng Zapote? Pawang mga walang resibo na ibinibigay ang mga kumag na ito kapag inaabutan ng mga mini-bus drivers na umaabot ang koleksyon sa Php 80.00 hanggang Php 90.00 kada mini-bus. Samantalang ang ligal na koleksyon na dapat lamang bayaran ng mga drivers na ito ay ‘yaong terminal fee para sa kanilang asosasyon.Napakaraming mini-bus ang bumibiyahe sa lalawigan ng Cavite at kung ang lahat ng mga ito ay mag-aabuloy ng ganyang halaga ay pihadong tiba-tiba ang mga amo nilang nabubundat ang tiyan sa katakawan. Kapag nagawi o napadaan na ang mini-bus sa  Zapote Kalinisan malapit sa Jolibee ay muling madadale ng dilihensya ang mga pobreng drayber. May sibilyan na lalapit at ang abuloy na makukuha ay para daw diumano sa kanilang amo na traffic enforcer o parak.

            Mas masaya pagdating ng SM Bacoor, may terminal na makikita sa loob ng parking area ng SM Mall pero mangilan-ngilan lamang ang makikita mong nakapila dito na mini-bus para magsakay ng kanilang pasahero na bumibiyahe papuntang Binakayan, Island Cove, Kawit, Noveleta, Tanza, Rosario at Naic, Cavite. May makikitang mini-commercial establishments na tila tiangge sa tapat mismo ng SM Bacoor bago sumapit sa naturang terminal ngunit bakit dito nagbababa at nagsasakay ng pasahero ang mga mini-bus drivers. Pagsapit naman ng  entrance gate ng SM Mall ay mapapansin sa halos tapat nito ang karatula na may nakasulat na “loading at unloading zone”. Ang nakapagtataka mga kabayan, may mga traffic enforcers ng BTMD na nagkalat sa naturang lugar ngunit hindi parehas ang kanilang ginagawang panghuhuli sa mga mini-bus driver. Meron silang tinitikitan at meron din namang hindi pinapansin na animo’y bulag sa Carriedo na walang nakikita kahit grabe na ang nangyayaring trapik sa pagdagsa ng maraming bulto ng mini-bus lalo na kapag sumasapit ang “rush hour”. At kapag napasabay pa ang lumalabas at pumapasok na pribadong sasakyan mula sa SM Mall siguradong buhol-buhol na ang trapiko na hindi pinapansin ng mga BTMD traffic enforcers.  Alam ba ninyo mga kabayan kung bakit?

            Ayon sa ating “labuyong gala”, nagpalabas ng “sticker” na may letrang “CHBC”ang pamunuan ng BTMD na nagkakahalaga ng Php 200.00. Napipilitang kumuha ang mga drayber ng mini-bus dahil hindi raw sila huhulihin kapag may sticker? Ang tanong..may resibo ba na ibinibigay kapalit ng naturang sticker? Ang siste, kapag may sticker ang isang mini-bus, kahit buhol-buhol na ang trapiko dahil sa paghinto ng mga ito, parang bulag ang mga BTMD traffic enforcers at hindi nila ito pinapansin. Ngunit kapag ang pumarada ay walang sticker, patay kang bata ka dahil siguradong titikitan ka. Kahit mga passengers bus na nanggaling sa Maynila ay siguradong paaalisin at titikitan kapag walang “CHBC Sticker”. Bukod pa dito, may butaw pa na kinukuha sa mga drayber na nagkakahalaga ng Php 50.00. Kaninong bulsa napupunta ang koleksyon na ito sa harap ng SM Bacoor na ginagawa nilang  iligal na terminal?

PANAWAGAN SA ABS-CBN

             Isang avid reader ang nagtext sa inyong lingkod, pamula ng may naganap na malakas na paglindol sa bansang Japan at may naganap na tsunami na ikinabuwis ng buhay ng libo-libong katao ay naging alerto na sila sa mga inihahatid na balita sa radyo at telebisyon. Malapit lamang sila sa karagatan at ang buong Pilipinas ay naalarma sa naganap na lindol sa Japan. Posible kasing madamay ang Pilipinas at lahat ng naninirahan malapit sa karagatan ay pinag-ingat at pinalikas ang mga residente sa mga lugar na posibleng tamaan ng tsunami. Nakita sa telebisyon kung paano umatake ang ulo ng bugso ng tubig sa bansang Japan dahil sa pag-atake ng tsunami. Parang mga laruan na nagpalutang-lutang sa tubig ang mga sasakyan, maraming ari-arian ang nawasak at libong buhay ang nakitil dahil sa pananalasa ng tsunami. Ang kahilingan ng ating avid reader na si Jane Demayo ng Iloilo City ay para sa isang TV Network, ang ABS-CBN. Paki-paabot po ang aking mensahe sa ABS-CBN na baka puwedeng pakitaasan o palakasin ang coverage ng kanilang cellsite dito sa Iloilo City kasi madaming ditong reklamo na hindi klaro ang Channel 10 Iloilo. Hindi po kami makapanood ng TV Patrol Iloilo kasi nga hindi klaro ang signal, sana po ay maaksyunan po to sa pamamagitan ng kolum ninyo. Sana po ay mabigyan din ng pribelehiyo ang ABS-CBN Iloilo kagaya ng sa Bacolod at Cebu. Masyado pong mahina ang signal at hindi klaro na panoorin ang TV Patrol sa lugar ng Sara, San Dionisio, Batad at Estancia.

            Okey… Jane, sana ay makarating sa pamunuan ng ABS-CBN ang panawagan ninyo d’yan sa lalawigan ng Iloilo para maging komportable na sa inyo ang panonood ng mga sariwang balita mula sa TV Patrol.

oOo

            Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon…text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes, tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

`