TO : BATAS MEDIA NEWS DESK

FM : LIGALIGIN NATIN

REVISION OF VOTES SA IMUS, CAVITE

NAIS nating bigyan ng pansin ang mga mensahe na ating natatanggap mula sa text. Isang hindi nagpakilalang texter ang nakapukaw sa damdamin ng inyong lingkod upang ilathala ang kanyang mensahe na maaaring magsilbing gabay sa mga taga Imus, Cavite upang maliwanagan ang tunay na isyu kung ano ang “revision of ballots” hinggil sa petition ng dating alkalde ng Imus, Cavite na si Ex-Mayor Manny Maliksi. Karapatan ng bawat natalong kandidato ang maghabol o maghanap ng solusyon kung sa pakiramdam niya ay nadaya sa isang naganap na halalan. Dito sa ating bansa, kalimitan na sinasabi ng mga nabigong kandidato na sila ay nadaya kaya hindi nagwagi sa larangan ng pamumulitika na kanilang ipinaglaban. Noon, masasabi nating totoo na maraming iregularidad sa naganap na “manual election”. Sa ganitong sistema, lamang na ang kandidato na may sapat na makinarya sa panahon ng kampanya. Walang imposible kapag pera ang nangusap, kahit mga taga COMELEC ay napapagdudahan na natapalan ng salapi kaya nananalo ang  hindi karapat-dapat na kandidato.

            Pero, lahat ng agam-agam sa isyu ng dayaan kapag sumasapit ang eleksyon ay napawi nang  ganapin sa Pilipinas ang kauna-unahang “automated polls” noong nakaraang “May 10 Local and National Elections”. Gumastos ng napakalaking halaga ang ating pamahalaan upang makisabay sa agos ng makabagong sistema ng halalan at ito nga ang “automated election system”. Nagrenta ang ating pamahalaan ng maraming Precinct Count  Optical Scan (PCOS) machines sa Smartmatic International Corporation para mapabilis at maging accurate ang resulta ng ating halalan. Ang PCOS machine ay may compact flash removable memory card, thermal paper ang gamit nito para makapag-print ng election results at may security key para mapaandar at mabuksan ang makina nito. Dito sa memory card naka-store ang “software” na gamit na pang back-up sa tamang data ng election results at audit logs. Nakumbinsi ang mga opisyales ng ating gobyerno sa advanced innovations na hatid ng Smartmatic dahil na rin sa pagiging expertise nito. Responsable daw kasi ito pagdating sa voting systems, intelligent and integrated safety platforms at advanced solutions for people registration. Nakapagrehistro na kasi ito ng mahigit sa 1.5 billion audited votes at ang kanilang teknolohiya ay ni-recognized ng mga important international monitors. Ito raw kasi ang bukod tanging election company sa buong mundo na  kayang mag carry out ng bawat phase ng  eleksiyon with maximum accuracy and security. Nasubukan na ang serbisyo nito sa US, Latin America, Caribbean at Asia.

            Pinayagan ng korte sa Imus, Cavite na magkaroon ng revision of votes para sa election protest na isinampa ng defeated Municipal Mayor candidate during the recent May 10 local and national elections. Mahalaga sa mga Imuseño ang malaman kung ano ang ibig sabihin ng revision of votes o revision of ballots. Marami kasi ang naliligaw sa isyu na binibilang na daw ang mga balota para malaman kung sino ang totoong nanalo kina Ex-Mayor Manny Maliksi at Mayor Homer Saquilayan. Mali po ang haka-haka na ito daw ay pagbibilang ng boto para malaman kung sino ang nanalong kandidato. Ang revision of ballots ay paghahanap ng mga iregularidad sa bawat balota para masabi na may nangyaring dayaan at kapag napatunayan ay dito mabibigyan ng pagkakataon ang naghahabol na kandidato para ang mga balota ay bilangin ulit. At kung may probable cause, payagan naman kaya ng Smartmatic na pahiramin uli ng PCOS machine para muling isalang ang mga balota at bilangin? Palpak ba ang sistema ng Smartmatic na ginastusan ng bilyong halaga ng gobyerno para lamang masiguro na walang mangyayaring dayaan sa naganap na halalan? Sampal sa Smartmatic kung may nangyaring dayaan sa ginanap na halalan sa Imus, Cavite dahil ang ibig sabihin nito ay niloko nila ang halalan ng buong Pilipinas.

            Palaisipan sa inyong lingkod ang nakuha natin na sensitibong impormasyon, malaking halaga ang ginugugol kada linggo ng magkabilang partido para sa kanilang mga revisors o watchers. Enero pa inumpisahan ang revision of ballots at hindi pa natin alam kung kailan ito matatapos. Sayang ang pera na dapat ay itulong na lamang sana sa mga nangangailangang Imuseño. Napakinggan ng inyong lingkod sa isang local radio station sa Cavite noong nakaraang Sabado na pati pala budget ng Imus ay naiipit ngayon kaya hindi makausad ang pamunuan ni Mayor Saquilayan para makagawa ng mga proyekto. Paano uunlad ang bayan ng Imus kung patuloy na paiiralin ang pulitikahan? Magkapit-bisig na lamang sana at magtulungan ang mga magkakalabang partido para sa kapakanan ng mga Imuseño. Ewan ko kung paniniwalaan ninyo ang isa pang sensitibong impormasyon, sa bawat ballot box daw na nabuksan ay may lumalabas na humigit kumulang sa 100 tao na ang ibinoto ay  ang dalawang naglabang  alkalde ng Imus noong nakaraang eleksyon. Sa nagaganap na revision of ballots, umaabot na daw sa mahigit sa anim na libo (6,000) ang balota na may doble shade na boto sa hugis itlog na bilog na bukod tanging sa pagka-alkalde lamang nangyari. Buti at tinanggap ang mga balotang ‘yan ng PCOS machine? Sa pagkaka-alam ng inyong lingkod ay iluluwa ng PCOS machine kapag mali ang sistema ng pagboto ng isang botante. Edukado at matatalino ang nakararaming Imuseño. Isa si Cong. Ayong Maliksi sa maraming nagawa noong gobernador pa ito at nakatulong para dalhin ang lalawigan ng Cavite sa rurok ng tagumpay at kaunlaran. Ganyan ba ka-ignorante ang mga taga Imus, Cavite para magkamali ng pagboto? Ano sa palagay ninyo mga kabayan?

oOo

            Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon…text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes, tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.





 

(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.