LIGALIGIN NATIN


PAMBANSANG KAMAO VS. PLASTER OF PARIS

BUKAS na ang bakbakang Manny Pacquiao at Antonio Margarito na gaganapin sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas. Lamang sa porma ang Mexican boxer, bukod sa matangkad ito ng ilang pulgada ay malakas pa itong mang-alaska (alaskador). Madami ang nakapanood sa pang-iinsulto sa four-time “Trainer of the Year” na si Freddie Roach na tila inaalipusta  nina Tijuana Tornado Antonio Margarito at unbeaten Brandon Rios sa “You Tube”. Makikita na tuwang-tuwa ang dalawa na ginagaya ang panginginig  ng kamay at pabulol-bulol na pagsasalita ni Roach sanhi ng sakit nitong Parkinson’s Disease. Sa isang video na kuha ng isang Fan House reporter na si Elie Seckbach, kitang-kita na ginagaya ni Margarito at ng training partner nito na si Rios ang kilos ni Freddie Roach, trainer ng Pambansang Kamao.

                Hindi kasalanan ni Freddie Roach kung may nakikitang kakulangan sa kanyang pagkatao, ang kakatwang pagkilos at pagsasalita ay nakuha niyang sakit noong aktibo pa siyang boksingero. Normal na sa kanya ang panginginig at hindi ma-kontrol na pagkilos, pati pagsasalita niya kapag ini-interbyu sa telebisyon ay mapapansin ninyo mga kabayan na hindi masyadong maintindihan. Humingi na ng paumanhin ang trainer ni Margarito na si Robert Garcia pero hindi ito katanggap-tanggap kay Roach at Pacman. Buong mundo ang nakakita sa kanilang pang-iinsulto.

 Nag-umpisa ang lahat ng ito noong magbigay ng pahayag si Freddie Roach at Manny Pacquiao sa isang programa sa HBO 24/7 kung saan ay napag-usapan ang nakaraang laban nina Margarito at Shane Mosley. Dinaya daw ni Margarito si Mosley sa paglalagay ng illegal handwraps. Sa HBO ay nagpahayag sina Roach at Pacquiao na hindi sila naniniwala na hindi alam ni Margarito na iligal ang ginamit niyang handwraps laban kay Mosley. Maaaring gumanti lamang ang kampo ni Margarito kaya si Freddie Roach ang kanilang napagbuntunan ng pang-iinsulto.

Matatandaan mga kabayan na natalo ni Margarito si Miguel Cotto noong 2008, ang isyu may nakalagay na “plaster of paris” sa kanyang mga kamao kaya siya nanalo. At noong Enero 2009, nabisto may nakalagay uli na “plaster of paris” sa kanyang mga kamao bago lumaban kay Shane Mosley. Tinanggal ang agimat ni Margarito at nang umpisahan na ang bakbakan nila ni Moshley, bagsak si Margarito sa 9th round.

Sa pangyayari na pang-iinsulto sa kanyang trainer ay maaaring lalong maging parang asong ulol sa pananalasa ng masisila si Saranggani Rep. Manny Pacquiao. Posibleng mapatulog niya si Margarito dahil bukod sa tagumpay na kanyang hinahangad para maipagmalaking muli ng ating bansa ay nandoon ang namumuong sama ng loob sa kanyang dibdib na magbibigay ng ibayong bigat at lakas sa bawat suntok ng kanyang kamao. Hindi balakid ang taas ng kalaban, madami ng matatangkad na boksingero ang pinatulog ni Pacquiao kagaya nina Ricky Hatton, Miguel Cotto, Oscar De La Hoya, Jorge Solis at David Diaz. Small but terrible…ibang klase ang kamao ni Pacquiao. Siguradong gagawin nitong pamaypay ang bawat pamatay na suntok na ibibira niya kay Margarito. Dapat ay i-check munang  mabuti ang kamao ni Margarito bago umpisahan ang laban, dahil buking na ang “plaster of paris” ay baka ‘yung kamay ni “Edward the Scissor’s Hand ang gamitin nito. Siguradong magagalit si Jinky, baka magkamali ng suntok ay mapuntirya at maputol ang litid ng kaligayahan ng kanyang esposo.

Naniniwala ang inyong lingkod na makukuha ng ating Pambansang Kamao ang ika-walong (8) korona  sa 154 lbs. “Super Welterweight”  division. Isang karangalan na posibleng ang kapalit ay pagreretiro sa larangan ng boksing at harapin na lamang ang panibagong hamon ng buhay sa larangan ng pulitika upang mapaglingkuran ng husto ang kanyang mga mahihirap na kababayan.  Isang karangalan na puwedeng ang maging kapalit ay kapighatian dahil sa isang aksidenteng pamatay na suntok ng kalaban. Kung ano man ang kasapitan ng laban ni Manny, matalo at manalo ay hindi na siya mabubura sa  listahan ng mga atletang nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Isa na siyang alamat na palaging pag-uusapan lalo na ng mga kabataang naghahangad sumunod sa kanyang mga yapak bilang  pinakamagaling na boksingero sa buong mundo.

Good luck Congressman  Manny Pacquiao….

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika -5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.