LIGALIGIN NATIN
BY: JUN MALIGALIG

FLOYD MAYWEATHER, JR. LALONG NABAHAG ANG BUNTOT

IBANG klase si Manny Pacquiao kung ikukumpara sa magagaling na boksingero sa buong mundo. Lahat ng sikat na boksingero na may multiple world titles ay malayo ang agwat sa ating Pambansang Kamao. Kung si Manny ay pang-walong world title ang minithi, ang mga kalaban naman ni Pacquiao ay halos nasa tig-aapat na world titles lamang ang hawak na titulo na puwede nilang ipagmalaki. Sila mga kabayan ay sina Tommy Hearns, Sugar Ray Leonard, Roberto Duran, Oscar De La Hoya, Roy Jones, Jr. at ang mayabang na si Floyd Mayweather, Jr. Lahat ng boksingero na ito ay gumawa na ng pangalan sa mabibigat na laban, pero iba pa rin si Manny Pacquiao. Walang puwedeng tumalo sa kanya.

                Isang mahirap na boksingero pero hindi naging balakid ang kahirapan upang maabot nito ang  rurok ng tagumpay. Nagsisimula pa lamang si Manny sa kanyang mga laban pero halos nasubaybayan na natin kung paano siya nag-umpisa na magbilang ng panalo, masugid kasi niyang tagahanga ang isa kong dating tauhan na si Bong Tosing ng Las Navas, Northern Samar. Parati niyang pinapanood sa telebisyon ang patpatin pero matatag na pangangatawan noon ni Manny. Wala tayong hilig sa boksing pero pamula ng mapanood ko sa “Blow by Blow” ang matitindi niyang laban, nagkainteres ang inyong lingkod sa larong boksing. Maipagmamalaki ng mga Pinoy si Manny, siya lamang ang tanging boksingero na nagwagi ng pitong (7) world boxing crowns sa pitong magkakaibang weight classes.

                Pamula ng masungkit ni Manny ang flyweight division ay dirediretso na rin nitong pinatumba ang mga iba pang nakalaban sa super-bantam, feather-weight, super feather, light weight, light-welter at welter-weight. At ngayon, nasungkit pa rin ni Manny ang nabakanteng WBC Junior Middle-weight title na pinaglabanan nila ni Tijuana Tornado Antonio Margarito.

                Sa unang arangkada ng “first round” ay agresibo agad si Manny Pacquiao at may kabagalan ang pagkilos ni Margarito. Medyo nagsusukatan pa sila ng kanilang mga galaw pero parang pamaypay na ang mga suntok ni Manny para maging adbentahe sa puntos. Sa “second round”, nakapuntos si Margarito pero madaming tama sa kanyang katawan ang suntok na pinakawalan ni Pacquiao. Magaganda ang kanyang mga kombinasyon at mukhang nasa kondisyon ang ating pambatong boksingero dahil lamang na naman ito sa puntos. Siguro, nasa isip ni Manny ang pang-iinsulto na ginawa nina Margarito at Rios na napanood sa “You Tube” sa kanyang ama-amahan sa larangan ng boksing na si Freddie Roach kaya parang hindi siya napapagod sa kanyang mga galaw. Naiganti na niya si Roach.

Sa Quezon City Hall ay halos nasa isang libong tao ang nanood ng bakbakang Pacquiao at Margarito, pati mga garahe ng taxi sa lungsod ng Quezon ay mapapansin na hindi na nagsilabas upang bumiyahe para lamang panoorin ang labang ito. Sa takbo ng labanang ito na inabangan ng buong mundo ay mukhang pinaghandaan talaga ni Manny dahil hindi umubra ang tangkad ni Margarito. Dumugo agad ang kanang bahagi ng mukha ng Tijuana Tornado sa lakas ng suntok ni Pacman. Marunong talagang dumiskarte si Manny, hindi siya napayag na ma-corner ng husto ng kalaban. Umabot na sa eight rounds  ang laban pero hindi pa rin nagbabago ang bangis ni Pacquiao. May mga suntok na pumapasok kay Pacquiao pero hindi nito iniinda at patuloy lamang siya sa pananalasa na tila alamid na naghahanap ng masisila.

                All out ang action at panay ang atake ni Pacquiao, parang elise ng electric fan ang kamao ni Pacman sa mga sumunod na aksyon sa ibabaw ng ring hanggang sa matapos ang 9th round,  medyo pasara na din ang kanang mata ni Margarito. Sinubukan ni Margarito na makipagsabayan kay Pacquiao pero mabagal talaga siya at walang magawa sa bilis ng kamao ng ating pamosong boksingero. Pati ulo ni Margarito ay halos makalog sa bugbog at kawawa na ang hitsura nito sa pagtatapos ng 10th round. Pag arangkada ng  11th round ay parang lantang gulay na si Margarito, halos mabibilang na lamang ang suntok nito samantalang si Manny ay parang nakadale ng Viagra na walang tigil sa paninibasib. Sa huling round (12th round) ay nilalaro na lamang ni Manny si Margarito na nakatikim ng matitinding bugbog sa ulo, mukha at katawan. Tila binangasang alimasag na ang hitsura nito.

                Natapos ang 12th round, tulad ng dati lumuhod si Manny sa gilid ng ring sa loob ng dalawang minuto upang magdasal at magpasalamat sa ating Panginoon. Isang agimat ni Manny na hindi nito nakakaligtaan kaya patuloy siyang ginagabayan ng ating Panginoon sa kanyang mga laban.

                Nanalo si Pacquiao sa isang “unanimous decision” at lahat ng tatlong “judges” ay pumabor kay Manny.                Gumawa na naman ng kasaysayan si Manny Pacquiao na pinagpiyestahan ng buong mundo. Kahit hindi niya napatumba si Margarito ay ipinakita nito ang bilis ng kanyang kamao na kinatatakutan ng mayabang na si  Floyd Mayweather, Jr.

                Isa si Angel ng Antipolo City na tuwang-tuwa sa pagkakapanalo ni Pacman. Panay ang text niya sa inyong lingkod habang nasa kainitan ng laban. Congrats Cong. Manny Pacquiao! Salamat sa muling pagbibigay ng karangalan sa ating bansa.

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.