LIGALIGIN NATIN
BY: JUN MALIGALIG

PASAWAY NA TAXI DRIVERS AT MMDA TRAFFIC ENFORCER

NAKATANGGAP ang inyong lingkod ng ilang mensahe mula sa e-mail. Bigyan pansin muna natin mga kabayan ang mga kalokohang nangyayari sa terminal ng Alabang Festival Mall sa Muntinlupa City. Isang ginang na reporter mula sa isang lokal na pahayagan ang nang-gagalaiti sa galit matapos  umattend sa birthday party ng kanyang apo na ginanap kamakailan sa MACDO Festival Mall. Matapos ang party, lumabas na ng mall ang ginang kasama ang kanyang mga anak. S’yempre, galing sa selebrasyon ng kanyang apo normal na marami silang dala-dalahan sa kanilang  pag-uwi. Bukod pa dito, may mga dala pa silang  mga regalo na natanggap ng  kanyang apo kaya kinakailangan na mag-taxi na lamang sila  para hindi mahirapan sa pagco-commute. Paglabas nila ng Festival Mall ay tumawag agad sila ng taxi na nakapila at nag-aabang ng mga pasahero. Sa loob lamang ng Poblacion ng Muntinlupa uuwi ang mag-iina at kung pagaganahin lamang ang metro ng taxi ay malamang na wala pang P100 ang halaga na kanilang babayaran. Malimit sumakay ng taxi ang kanilang pamilya at kung minsan ay wala pang P150 ang kanilang nakokonsumo pag-uwi sa kanilang tahanan at kasama na dito ang tip sa maghahatid na taxi driver.  Ang siste, P250 kaagad ang sinisingil ng taxi driver para maihatid lamang ang mag-iina sa kanilang tahanan. Kontrata ang usapan at ayaw nilang gumamit ng metro, isang malaking kalokohan mga kabayan dahil kahit noon pa ay mahigpit ng ipinagbabawal sa mga bumibiyaheng  taxi driver ang pangongontrata sa mga pasahero. Bawal pumili ng pasahero at kinakailangan din na  iflag-down nila ang kanilang mga metro at huwag kakalimutan na mag-isyu ng resibo.

 Dahil ayaw pumayag ng ginang na mag-pauto sa bulok na sistema na pinaiiral sa  terminal ng Festival Mall, ipinahanap niya sa kanyang anak na lalaki ang dispatcher at presidente  ng naturang terminal na responsable sa mga bumibiyaheng taxi at van. Kahit hindi natagpuan ang tumatayong presidente  ay napag-alaman na ang pangalan pala nito ay isang Boy Vicente. Sa hindi inaasahang pangyayari, isang malaking lalaki ang lumapit sa ginang at kanyang anak na lalaki at mataas ang boses na nagsalita  na… “Bakit? Ano ang problema ha?” Tila nanakot pa ang animal na ito mga kabayan. Hindi alam ng tukmol na ito na reporter ang kanyang binubulyawan. Isang lalaki na naka kulay pula na kasuotan na naglilista ng mga bumibiyaheng sasakyan  ang tinanong ng ginang kung ano ang pangalan ng nambulyaw sa kanila. Hindi sinabi ang pangalan kaya ang ginawa ng ginang ay kinuhanan ng litrato ang lalaking ito na sa bandang huli ay napag-alaman ng ginang,  na ang lalaki na kanyang kinuhanan ng picture ay siya palang  dispatcher sa naturang terminal na kilala sa pangalan na alyas Ben. Nagalit pa ang mamang ito ng kuhanan ng picture, ang hindi niya alam investigative reporter ang kanyang kaharap na ginang.   Hindi mag-ooperate ang mga abusadong  taxi driver kung wala itong basbas diumano mula kay Boy Vicente at dispatcher na alyas Ben. Alam kaya ng hepe ng kapulisan sa Muntinlupa City at ng mga taga LTO ang katarantaduhang nangyayari sa Alabang Festival Mall? Baka naman may parating na lingguhang abuloy kaya malayang nakakabiyahe ang mga abusadong  taxi driver na ito…ang tanong???… magkano? Subaybayan…

oOo

                Napilitang magreklamo sa MMDA Traffic and Transport Management Office ang isa nating kasangga na taga Bacoor, Cavite. Lumuwas kamakailan si kasamang  Allan Alverio dala ang kanyang AUV na may plate number na TEB-552 upang maghatid ng isang kamag-anak  sa terminal ng Pasay City. Ayon sa nilalaman ng kanyang reklamo sa complaint sheet ng MMDA, nakiusap siya sa isang Pasay Traffic Enforcer na nakasuot ng kulay blue na long sleeve upang iparada saglit ang kanyang sasakyan na hindi makakaabala sa daloy ng trapiko at siya naman ay pinagbigyan.  Ngunit pagbalik ng ating kaibigan ay nagulat na lamang siya dahil gusto na siyang hulihin ng traffic enforcer na kanyang pinakiusapan. Napag-alaman mga kabayan na isang Mr. Sia ang pangalan ng tinamaan ng magaling na ito at ang sinabi pa nito ay nakatawag na raw siya sa radyo sa isang MMDA traffic enforcer na kinilala sa alyas na Mr. Barnedo para tikitan ang ating kaibigan. Kinumpiska kaagad ni Barnedo ang lisensiya ng ating kaibigan ngunit hindi tinikitan. Sa halip ay pilit siyang pinasusunod sa isang lugar sa Malibay, Pasay kung gusto daw nitong magreklamo sakay ng kanyang motorsiklo. Hindi sumunod ang biktima sa pangamba na baka kung ano ang gawin sa kanya ng tukmol na MMDA traffic enforcer.  Umuwi na lamang ang pobre at nagpasama pabalik sa Pasay sa isa nitong kumpare na reporter upang hanapin si Barnedo. At ng makaharap nila si Barnedo, naipasok na daw nito ang lisensiya ni Alverio sa kanilang opisina sa Kalayaan MMDA Bldg. Para huwag na raw mahirapan ang ating kaibigan ay magbigay na lamang daw siya ng P150 at siya na ang bahalang kumuha ng kanyang lisensiya. Hindi pa rin nakuha ang lisensiya ng pobre kaya napilitan ang mga itong mag-verify sa “releasing department” sa 7th floor ngunit  negatibo ang resulta dahil kahit anino ng kanyang lisensiya ay hindi makita na  tila bula na naglaho sa alapaap. Dismayado ang ating kaibigan, tuluyan na yatang naglaho ang kanyang lisensiya. Ang masakit mga kabayan, itinatanggi na ng gunggong na MMDA Traffic Enforcer na si Barnedo na hinuli niya si Alverio. Hindi raw niya kilala ang ating kaibigan, lalo ng gumuho ang pag-asa na mapabalik pa ang kanyang lisensiya. Ang hindi alam ng tulig na traffic enforcer, recorder sa cellphone ang bawat pangyayari noong hinihingan niya ng  P150 na pantubos daw kuno sa lisensiya at ito ang ebidensiya na magpapatunay sa kanyang kasinungalingan. Nagbabanta pa daw ang mokong na ito.

                Paging MMDA Chairman Francis Tolentino…pakibusisi nga Sir ang katarantaduhang ito na ginawa ng isa ninyong tauhan. Isa itong anay na sisira sa magandang imahe ng inyong tanggapan. Noong alkalde pa sa Tagaytay City si Chairman Tolentino ay saludo ang inyong lingkod sa liderato nito. Dapat imbestigahan din itong Pasay Traffic Enforcer na si SIA…partner in crime ba kayong dalawa ni Barnedo?

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 - 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.