LIGALIGIN NATIN

BY: JUN MALIGALIG 


BUKOD SA LOTTO JACKPOT, PORK BARREL DAPAT DING TAPYASAN

 

NAGPAPANSIN ang kongresista mula sa Eastern Samar  na si Rep. Ben Evardone. Pati ba naman jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay napagdiskitahan ng mamang ito. Lumobo na kasi kabayan ang tatamaan sa Grand Lotto 6/55 dahil umabot na ito sa Php 633,000.00 ang grand prize kamakalawa at wala pa ring nakakuha sa lumabas na winning numbers na 04, 41, 40, 55, 42 at 45. Suntok sa buwan ang pag-asa na makuha ang panalo pero sa ganitong pagkakataon, madami nating mahihirap na kababayan na gustong mabago ang takbo ang buhay ang patuloy na makikipagsapalaran na tumaya. Malay natin, baka ang isang dating hardinero o katulong sa bahay ang makasungkit ng pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng Lotto games. Walang pinipili sa pagtaya ng Lotto, walang mayaman o mahirap, pati mga Senador, Kongresista at iba pang pulitiko ay nakikiloko din sa pagtaya ng Lotto.

            Ang mungkahi ni Cong. Evardone na tapyasan ang lumolobong papremyo sa 6/55 Grand Lotto draw na lilimitahan sa paglalagay ng ceiling na kalahating bilyon ay mainit na pinag-uusapan ngayon. Ano ba ang problema ng Kongresistang ito kahit pa umabot sa P1 Bilyon ang papremyong matatanggap mula sa Grand Lotto Draw? Imposible namang para sa kapakanan ng mananaya ang kanyang iniisip. Kung ayaw niyang magmukhang sugarol ang mga mahihirap nating kababayan na nagbabakasakali na makaamot ng kaunting suwerte dahil walang maaasahang magandang kapalaran sa ating gobyerno, dapat ay tuluyan na niyang ipatigil ang mga ganitong Lottery draw at iba pang laro na kahalintulad nito pati na rin ang huweteng, sakla, video karera, fruit games, sabong at iba pang sugal lupa na nagkalat sa kanyang lugar.

            Sa ibang bansa kahit umabot ng bilyon ang tatamaan sa lottery draw ay walang pakialam ang mga pulitiko. Bukod tanging itong si Cong. Evardone ang nagmamagaling samantalang kung tutuusin mga kabayan ay ang mga pork barrel na hawak nila ang dapat tutukan at siguraduhin na ang bawat sentimo na lalabas sa kanilang pork barrel allocations ay magagamit na equally distributed and wisely spent. Sa totoo lamang, ‘yang pork barrel na ‘yan kahit pa sabihing malaking tulong para sa proyektong pakikinabangan ay puwedeng ikonsidera na major source ng kurapsyon. Ang 270 miyembro ng House of the Representatives at 23 Senador ay may kanya-kanyang alokasyon. Bawat House member ay entitled sa Php 70M na pork funds o Priority Development Assistance Fund (PDAF) kada taon, samantalang bawat Senador ay makakakuha annually ng tig Php 200M.

            Ano kaya kung bawat pork barrel ng ating mga Senador at Kongresista ay atin ding tapyasan? Madaming puwedeng paggamitan ng malilikom na halaga, una na rito ang kumpletong pasilidad para sa isang pampublikong ospital, mga gamot at dagdag na silid-aralan para sa mga estudyanteng nag-aaral sa primera at sekondarya na pampublikong paaralan. Matagal na nating nakikita at nararamdaman ang mga problemang kinakaharap palagi ng mahihirap nating kababayan, hindi pa rin maresolba dahil ang badyet na nakalaan para sa pangunahing proyekto ay napupunta sa mga walang katuturang pagawaing bayan na mas malaki pa ang tongpats kesa sa orihinal na halaga ng totoong presyo ng isang proyekto.

            Sa ipinalabas na kautusan ng ating Pangulong Noynoy Aquino na nagsasauli sa pangangasiwa sa PCSO sa Office of the President (OP) mula sa Department of Health (DOH), posibleng may magandang mangyari dahil ang ating Pangulo ang siyang nakakaalam kung ano ang dapat unahin at paano gagamitin ng ayos ang pera ng bayan para maipagpatuloy niya ang kanyang layunin na maiangat ang ating estado habang tinatahak ang tuwid na landas. Maging maingat lamang siya sa nakapaligid sa kanya, baka habang panay ang isip niya ng kagandahan at paano makatipid ay patuloy naman ang walang pakundangang paggastos ng kanyang mga alipores.

oOo

            Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa Batas ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00 – 5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.