FM: LIGALIGIN NATIN
By: Jun Maligalig


INTELLIGENCE FUND

NAALARMA ang Malakanyang, agarang ipinag-utos ni Presidente Benigno  Aquino III ang “full alert status” sa buong National Capital Region (NCR) matapos magbigay ng magkakasunod na travel advisories ang mga bansang Australia, Canada, United Kingdom at Amerika sa pagbiyahe sa ating bansang Pilipinas dahil sa “imminent terror threat” na nakaumang dito. Nataranta si P-Noy, ipinag-utos kaagad sa mga intelligence community sa ating bansa na beripikahin ang naturang ulat ng mga dayuhang bansa. Pati publiko ay inabisuhan na mag-ingat pero huwag mag-panic dahil sa naturang balita. ‘Yan ang problema sa mga namumuno sa ating gobyerno, patuloy silang nalilibang sa kung anu-anong walang katuturang isyu pero kung seguridad ng estado ang pag-uusapan, mas nauuna pa ang balita mula sa mga kaalyadong dayuhang bansa kesa sa ang unang magbigay ng anunsiyo  ay ang mga intel na naririto sa ating bansa.

                Lahat ng lungsod at munisipalidad pati na rin sa nasyunal ay may makinarya na tinatawag na intelligence fund. Ang problema., paano nga ba ginagamit ng tama ang pondo para dito? Milyon ang intelligence fund sa isang munisipalidad at kontrolado ito ng alkalde na nakapuwesto. Nagagamit ba ito ng tama o napupunta lamang sa bulsa?

                Matatandaan mga kabayan na noong nakaraang Agosto taong kasalukuyan ay pinag-aralan ng Malakanyang kung ipagpapatuloy pa ang paglalaan ng P500M o limandaang milyong piso na intelligence funds para sa Office of the President. Kung si Senator Juan Ponce Enrile ang tatanungin, ayaw na ng mamang ito na magkaroon pa ng intelligence fund para sa Palasyo.

                Nag-umpisa kasi ang alokasyon ng intelligence fund sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas noong panahon na si dating Pangulong Joseph Estrada pa ang nakaupo at dito rin nabuo ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force o PAOCTF. Napatalsik si Estrada sa Malakanyang at nang si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ang kinilalang President eng Pilipinas ay inalis nito ang PAOCTF pero patuloy naman ang ginawang paglalaan ng milyon-milyong pondo para sa intelligence fund.

                Okey lamang na may milyong nakalaan para sa pondo ng intelligence fund kung nagagamit ito sa tama at hindi napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng bayan. Katulad na lamang ng travel advisories na idineklara ng ilang kaalyadong bansa laban sa pagbiyahe sa Pilipinas. Hindi dapat mag-relax ang ating mga militar at kapulisan. Higpitan ang pagpasok sa mga malls at pagsakay sa mga pambublikong bus pati na rin sa LRT at MRT.

                Gusto pa bang sapitin ng pamahalaan na marami na naman ang magbuwis ng buhay dahil sa pag-atake ng mga terorista? Hindi puwedeng makalimutan ang mga pangyayari na naganap sa Christian town ng Ipil, Zamboanga Del Norte noong  Abril 1995. Nilusob ng mga Muslim extremist  Abu Sayyaf group ang kanilang lugar, sinunog ang mga kabahayan at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 54 na mga inosente nating kababayan. Ang pinaka-worst terrorist attack na nangyari sa Metro Manila ay noong Disyembre 30, 2000. Isineselebra ng ating mga kababayan ang Rizal Day, maraming pagsabog na naranasan sa iba’t-ibang lugar at ang pinaka-worst explosion na nangyari ay sa loob mismo ng Light Trail Transit (LRT) kung saan ay 22 pasahero ang namatay at napakaraming nasugatan.

                Bago ang pangyayaring ito, isang pagsabog ang pumatay kay Philippine Ambassador Leonides Caday sa Jakarta, Indonesia noong Agosto 1, 2000. Isang Indonesian national ang suspek na nadakip ng pulisya at umamin na siya ang responsable ng mga pagsabog na naganap sa Maynila at Jakarta. Noong Marso 2002, isang grupo na nagpakilala na Indigenous Federal Estate Army ang nagtanim ng may sampung (10) hoax bombs sa bisinidad ng Metro Manila para pursigihin ang kanilang demand na ihiwalay ng estado ang Muslim government at indigenous people.

 Noong April 21, 2002, 15 inosenteng sibilyan ang namatay at 60 ang malubhang nasugatan sa pagsabog na naganap sa labas ng isang shopping mall sa General Santos City (Southern Mindanao). Aminado ang mga Abu Sayyaf na sila ang responsable sa pagpapasabog.  Isang pagsabog din ang naganap pero walang nasugatan sa Makati City noong Oktubre 17 at pagkalipas ng isang araw ay muli na namang nakaranas ng pagsabog noong Oktubre 19, 2002 kung saan ay isang pampasaherong bus ang biglang sumabog sa Balintawak, Quezon City. Tatlo ang patay at 19 ang sugatan sa naturang insidente.

                Oktubre 17, dalawa sa pitong bomba na itinanim sa bisinidad ng Zamboanga City (Western Mindanao) ang sumabog. Nag-iwan ito ng 7 patay at 144 na malubhang nasugatan. Dito rin nangyari ang pagsabog sa harapan ng  isang karaoke bar, isang American soldier at dalawang Filipino ang namatay samantalang  19 ang nasugatan kasama na rin ang isa pang American soldier.  Sa Kidapawan City (Central Mindanao), hindi makakalimutan ang pagsabog na naganap sa isang terminal ng bus, 8 ang namatay at 25 ang nasugatan. Mga hinihinalang extortion group ang mga suspek sa pagsabog.

                Hindi rin makakalimutan mga kabayan ang pinaka world’s terrorist attack na nangyari noong September 11, 2001. Nagkameron ng airplane assault sa twin towers ng World Trade Center sa New York. Gumuho ang gusali at nasa 3,000 ang napaulat na namatay kasama na dito ang may 500 Filipino o Fil-Am  na nagtatrabaho sa  World Trade Center.

oOo

                Belated Happy Birthday to MARIE JHUNNE ANNE “MAJA” C. MALABUYOC  of First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH), Tanauan City, Batangas. Also, Belated Happy Birthday to my Bro. JOEWIN F. MALABUYOC  of Brgy. San Vicente, Sto. Tomas, Batangas.

oOo

                Kung may reaksyon, reklamo o suhestiyon..text lamang po kayo sa 0906-5582848. Puwede rin kayong magpadala ng mensahe sa e-mail address ng inyong lingkod sa junmaligalig@yahoo.com. Makinig sa programang “Ligaligin Natin” sa BATAS ITV na matatagpuan sa internet website www.batasmedia.com, Lunes hanggang Biyernes tuwing ika 5:00-5:30 ng madaling araw. Trabaho po lamang at walang personalan.