Mac Cabreros

Mar. 25, 2011

Japan, aagapay pa rin sa peace process

Sa kabila ng sinapit na trahedya, handa pa ring umagapay ang Japan  sa peace process sa Pilipinas.

Batay sa impormasyong nakalap ng Balita, tutuparin ng pamahalaan ng Japan ang kanilang commitment na aalalay sa isinusulong na peace process.

Nabatid na ipagkakaloob ni Japanese Ambassador to the Philippines Makoto Katsura ang ipinangakong P44 milyong pondo para sa peace and development projects sa Mindanao.

Ayon sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), ang naturang pondo ay bahagi ng Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects (GGP) sa ilalim ng Japan-Bangsamoro Initiatives for Reconstruction and Development (J-BIRD), kung saan kabilang dito ang pagtatayo ng limang gusaling pampaaralan, 2 training center gayundin ang pagbili ng post-harvest facility.

Ang Japan ay kasama sa binuong International Monitoring Team o IMT sa ginagawang peace talks sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) gayundin na nagmumula dito (Japan) ang pinakamalaking bulto ng official development assistance o ODA at pinakamasigasig na trading partner ng Pilipinas.

Ang Japan ay sinalanta ng malakas na lindol at tsunami noong Marso 11, saan maraming imprastraktura at ari-arian ang nasira habang libu-libo ang nasawi. Mac Cabreros






(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.