Mac Cabreros

Mar 26, 2011

Edukasyon, umaariba

          Inihayag ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd),Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Science and Technology (DoST) na umuusad ang hakbangin ng gobyerno para makamit ang education for all (EFA) target alinsunod sa pagtupad sa Millenium Development Goal (MDG).

          Sa pagpupulong sa Shangri La Hotel sa Mandaluyong City, inilahad ng gobyerno kay Ms. Irina Bokova, director-general ng UNESCO, na pursigido ang gobyerno ng Pilipinas na isulong ang programa at proyekto para makamit ang EFA target at MDG ng bansa.

          Binanggit ni Education Secretary Armin Luistro na ginagawa lahat ng gobyerno ng Pilipinas gaya ng pagsusulong ng universal kindergarten, masigasig na enrolment at retention gayundin ang pagsusulong ng alternatibong sistema para mapagkalooban ng basic education ang mga out of school.

          Sa panig ng CHEd, inihayag ni Dr. Patricia Licuanan, na isinusulong din nila ang mga proyekto at programa para patuloy na mapataas ang antas ng tertiary education at makaangkop ang talino at talento ng mga graduates sa international standards.

          Katunayan, aniya, maraming higher education institutions sa Mindanao ang nagsisilbing ‘peaceweavers’ para makamit ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng edukasyon.

          Inilalad din ng TESDA na iba’t ibang skills development ang itinataguyod nila para mahasa nang husto ang kakayahan at kapasidad ng ating kababayan para makaangkop din sa pangangailangan ng iba’t ibang industrya sa domestic at international market.

          Pinuri naman ni Ms. Bokova ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagbibigay ng importansya ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pinakamalaking pondo.

          Umaasa si Ms. Bokova na makakamit ng gobyerno ang EFA target at MDG sa takdang panahon.Mac Cabreros









(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.