Mac Cabreros

Mar. 26, 2011

Pagsasara ng 4 kondenadong paaralan, sinulusyonan

          Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na makakapag-aral sa sunod na pasukan ang mga istudyante ng apat na kondenadong paaralan at nakatakdang isasara.

          Ayon kay Undersecretary for Plans and Programs Yolanda Quijano, naghahanap na sila, sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon, Malabon at Maynila, ng lugar na paglilipatan ng mga istudyante.

          Naunang inihayag ng DepEd na kanilang ipasasara ang Bagong Silangan Elementary at High School sa Quezon City na natukoy nakatayo sa fault line, Concepcion Elementary School sa Malabon at Teodoro Alonzo Elementary School sa Maynila matapos mapatunayang peligroso dahil sa structural defects.

Idinagdag ni Usec. Quijano na bukod sa paglilipat, nakahanda na rin ang alternatibong pagtuturo.

“May modules para sa mga batang ayaw pumasok every day. Dadalhin sa bahay ang modules at may teacher-facilitator na titingin,” pahayag ni Quijano.

Naunang iniulat ng DepEd na may 778 paaralan sa bansa ang nanganganib na bumagsak kapag nagkaroon ng malakas na lindol.

Partikular na namimiligrong guguho ang mga gusaling itinayo bago 2000 o pagpasa sa National Building Code, dagdag ng DepEd. Mac Cabreros









(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.