Mac Cabreros

April 9, 2011

Welder, karpintero atbp, hanap ng DepEd

          Plano ng Department of Education (DepEd) na kunin ang serbisyo ng mga welder, karpintero, coach at iba pa para magtuturo ng technical at vocational course sa mga specialized schools.

          Sa panayam ng Balita, inihayag ni Secretary Armin Luistro na ang pagtuturo ay bilang part time lamang kung saan ang sahod ay alinsunod lamang sa umiiral na batas.

          Sinabi rin ni Sec. Luistro na maari ring kunin ng mga may-ari ng shops ang mga istudyante bilang part time job upang magkaroon ang mga kabataan ng perang pantustos sa pag-aaral ng mga ito o sa sistemang earn while you learn.

          Nauna rito, iniulat ng DepEd na plano nilang magtayo ng specialized schools sa iba’t ibang rehiyon sa bansa bilang bahagi ng pagsusulong ng tech-voc course.

          Inihayag pa ni Sec. Luistro na ang itatayong specialized school ay para sa iba’t ibang serbisyo gaya ng business process outsourcing o BPO, hotel and management at maging sports.

          Aniya, ito ay para matiyak na makakapasok sa trabaho ang magsipagtapos ng high school para magkaroon ng mapagkakitaan ng pera para sa pagpapatuloy nito ng pag-aaral sa kolehiyo o maging pundasyon ito para mamuhay.

          “We want them to land in a job after graduating high school,” pahayag pa Lusitro.

            Inihayag din ni Sec. Luistro na masigasig ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang industriya upang malaman kung ano ang kakailanganin ng mga huli at ito ang pagtuunan ng DepEd.

            Idinagdag ni Sec. Luistro na para maitaguyod ang programa, kanilang pinag-aaralan ang pagsasama ng resources ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

            Aniya, nag-uusap sila ni TESDA director general Joel Villanueva kung maaring pagsamahin ang technical at vocational schools ng DepEd at ng training centers ng TESDA para sa naturang plano. Mac Cabreros





(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.