Mac Cabreros

April 14, 2011

Gov’t takeover sa LTO computerization, isinulong

          Hiniling ng transport group sa administrasyong Aquino na hindi na palawigin ang kontrata ng Department of Transportation and Communications (DoTC) at Stradcom Corporation kaugnay sa computerization sa Land Transportation Office (LTO).

          Sa lingguhang Fernandina Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City, sinabi ni Mr. George San Mateo, tagapagsalita ng Pinagsamang Samahan ng mga Tsuper at Operaytor Nationwide (PISTON) na nakakabuting i-takeover ng gobyerno ang proyekto para sa kapakanan ng publiko.

          “Ang mahalaga ay kumita lamang ng katamtaman para sa operation at maintenance. Ito ay para hindi na kailangang magtaas ng mga fees para sa profit,” pahayag ni San Mateo.

          Aniya, nagiging isang negosyo ng pribadong sektor ang isang ahensya ng gobyerno.

          Ipinabatid naman ni Ms. Margeux Salcedo, kinatawan ng Stradcom, na abot na ngayon sa isang bilyong piso ang utang ng LTO simula nang itinigil ang pagbabayad noong buwan ng Septiyembre ng nakaraang taon.

          Aniya, inaasahan nilang aksyunan ito ng pamunuan ni Pangulong Benigno Aquino III at resolbahin na ni LTO chief Virginia Torres ang problema upang hindi humantong sa pagbabalik sa mano-mano ang pagbibigay ng serbisyo sa ahensya saan magreresulta sa laking pahirap sa publiko ito gayundin sa LTO mismo dahil abot sa 6,000 transaksyon kada araw ang dapat gawin.

          Nilinaw din ni Salcedo na iisa lamang ang Stradcom Corporation at mayroon lamang grupong tinawag nitong usurper na nagpapanggap na sila ang may-ari ng Stradcom. Mac Cabreros







(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.