Mac Cabreros

Feb. 16, 2011

Walang klase at fun run sa pagdiriwang ng EDSA 1

          Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng EDSA People Power 1, idineklara ng Department of Education (DepEd) na walang klase sa Biyernes (Pebrero 25).

          “Nais nating malaman at madama ng ating kabataan ang kahalagahan ng makasaysayang EDSA revolution,” pahayag ng DepEd.

          Gugunitain ng sambayanan ang pagbabalik ng demokrasya sa bansa nang mapuwersang umalis sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong Pebrero 25, 1986.

Sama-samang nagtungo sa EDSA ang sambayanan, mula sa mga opisyal ng gobyerno, simbahan, negosyante at maging ang mga simpleng manggagawa at ginang ng tahanan, upang pababain sa trono si Marcos.

Kasabay nito, katuwang ng DepEd ang Ninoy at Cory Aquino Foundation, ang pagsasagawa ng grupong iamninoy at iamcory, ng EDSA run ngayong Pebrero 27.

Layunin ng EDSA run na makalikom ng pondo para makapagpatayo ng gusaling pampaaralan upang maibsan, kung hindi man maresolba, ang kakulangan sa silid-aralan. Mac Cabreros




(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.