Mac Cabreros

Feb. 18, 2011

Robotics, isasama sa curriculum

          Inihayag ni Ms. Mylene Abiva ng Felta Multi Media Inc, distributor ng Lego products sa Pilipinas at nagtaguyod sa World Robotics Olympiad dito sa Pilipinas noong 2010,  na plano nilang ipasama sa curriculum ang robotics upang mamodernize ang edukasyon.

“Sa robotics, mahuhubog nang husto ang talino at talento ng mga istudyante. Mahahasa kasi sila sa critical thinking at problem solving dahil matutunan nila ang physics, mathematics at science,” pahayag ni Ms. Abiva.

          Sa panayam ng mamamahayag sa paglulunsad ng RoboThinkerz Learning Center sa Enderun Colleges sa Fort Bonifacio, Taguig City, hinikayat din ni Ms. Abiva ang mga magulang at mismong paaralan na mag-invest sa robotics.

          “This is a very good investment kasi nahahasa nang husto ang bata,” pahayag pa Ms. Abiva at binanggit na bagamat nagkakahalaga ng P39,500 kada kit o kumpletong gamit para makabuo ng isang robot, wala namang katumbas na halaga ang aral na matutunan ng bata dahil maaring gamitin na paulit-ulit ang piyesa ng robot para makalikha ng bagong uri.

          Nabatid na nagkampeon ang Pilipinas sa ginanap na World Robotics Olympiad noong Nobiyembre 2010 sa Mall of Asia sa lahok nitong roboto na nakakapagsalita ng iba’t ibang lengguwahe at nakakapagsalaysay ng kasaysayan ng Pilipinas gayundin na marunong magtambol.

Samantala, lilinangin ng Department of Education (DepEd) ang mga bata para maging bagong siyentista, mathematician at imbentor.

Sa gaganaping science camp para sa Special Science Elementary Schools (SSES) sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City ngayong Pebrero 14 hanggang 18, kung saan dadaluhan ng mga Grade 5 at 6 pupils, kasama ang kanilang guro, mahuhubog ang talino at talento ng mga bata gayundin ang mga guro sa siyensya at matematika sa pamamagitan ng minds-on, hands-on at heart-on activities gaya ng outdoor games, workshop sa climate change, investigative at research gayundin ng robotics.

“Gusto nating linangin sa mga bata ang utak-agham na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng ating panahon,” pahayag ng DepEd. Mac Cabreros




(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.