Mac Cabreros

Pebrero 25, 2011

MRT at LRT fare hike, tuloy na tuloy na

Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtutol at pagbatikos, ipinasya ng Department of Transportation and Communication (DoTC) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na ituloy na ang implementasyon ng pagtataas ng pasahe sa Light Rail Transit at Metro Rail Transit (MRT).

Batay sa impormasyong nakalap ng Balita, ang hakbang ay napagkasunduan sa pagpupulong ng DoTC Board at ng pamunuan ng nabanggit na mass transport.

Bagama’t ganito, hindi pa mabatid kung kalian ito ipapatupad dahil kailangan pang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taripa gayundin na ilalathala pa ito sa pahayagan bago tuluyang maipatupad.

Naunang ipinagpaliban ng DoTC ang implementasyon ng fare hike na itinakda sa Marso 1 matapos na umani ng kaliwa’t kanang pagpuna at pagtutol.

Nabatid na P11 ang boarding fee habang dagdag na P1 kada sunod na istasyon.

Bagamat abot sa P25 ang pamasahe sa LRT Line 2 (Recto-Santolan) at P30 sa LRT Line 1 (Baclaran-Roosevelt), mayroon namang 20 porsyentong discount sa mga istudyante, matatanda at may-kapansanan.
         Binatikos naman ng iba't ibang grupo ang pahayag ng DoTC at sinabing moro-moro o palabas lamang ang isinagawang konsultasyon.
         Sinabi ng mga grupo na kanilang idudulog sa Supreme Court ang nasabing usapin.  Mac Cabreros






(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.