Mac Cabreros

Mar 10, 2011

P1M halaga ng cocaine, nakumpiska sa Pasig

          Abot sa isang milyong piso ang halaga ng cocaine na nakumpiska ng mga otoridad sa dalawang itinuturong drug pusher sa isang operasyon sa Pasig City gabi ng Martes.

          Malamang sa kulungan na tatanda sa sandaling napatunayang nagkasala sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Lorenzo David Layug, ng San Lorenzo Village, Makati at Renz Henry Sayarot, isang Fil-am at may permanent residency status sa United States.

Ayon kay Pasig Police chief, Senior Superintendent Jessie Cardona, dakong alas-sais ng gabi ng Martes nang madakip ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Taskforce (AIDSOTF) at Pasig police ang mga suspek sa parking lot ng City Golf Plaza, sa Julia Vargas Avenue, Barangay Ugong, Pasig City.

Sinabi rin ni Atty. Roque Merdeguia ng AIDSOTF, na bago ang pag-aresto ay matagal nang under surveillance ang mga suspek, matapos na makatanggap ng impormasyon na ang mga ito ay nagbebenta ng cocaine sa Metrowalk at City Golf area, at ang kustomer ay mga mayayamang kabataan sa lugar.

Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer sa mga suspek, at bumili sa mga suspek ng cocaine sa halagang P100,000. At nang maisara ang transaksyon, agad na kumilos ang mga alagad ng batas at dinakip ang mga suspek na hindi na nagawang pumalag nang posasan at basahan ng Miranda doctrine.

Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang 216 gramo ng cocaine, dalawang sachet ng dahon ng marijuana, mga tableta ng cepham, at isang .9 mm kalibre pistol na may magazine na puno ng bala. Mac Cabreros




(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.