Mac Cabreros

Marso 3, 2011

HIV/AIDS, kalat sa school?

          Ngayon pa lamang ay dapat nang kumilos ang Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, para labanan ang nakamamatay na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.

          Ito, ay matapos ihayag ni Dr. Lolita Andrada, director ng Bureau of Secondary Education (BES), na dapat ideklarang “educational emergency” ang ulat sa ginanap na State of the World’s Children Report 2011: Adolescents An Age of Opportunity sa Sulo Riviera Hotel sa Quezon City kung saan natuklasang tumataas ang bilang ng kabataang nasa edad 15-24 ang nahahawaan ng human immunodeficiency virus o HIV.

          “With this increasing number of youth (with age ranges) 15-24 infected with HIV, we need to be proactive in our approach as we recognize this silent epidemic,” pahayag ni Dr. Andrada.

          Binanggit ni Dr. Andrada na kanilang isusulong ang pagtuturo ng values-oriented curriculum kung saan igigiya sa tama at tuwid na daan ang pananaw at pag-uugali ng mga kabataan lalo sa usaping sekswalidad.

          Napag-alaman na kasalukuyang itinataguyod ng DepEd at UNICEF ang “The Power of You” program, kung saan iminumulat ang kaisipan ng mga istudyante gamit ng short film o video na tumatalakay sa tunay na buhay ng dalaga at binata na nagmamahalan at nagbibigay ng payo kung ano ang dapat gawin bago humantong sa pagtatalik ang kanilang pag-iibigan.

          Sa naturang okasyon, inihayag naman ni Dr. Enrique Tayag, director ng Epidemiology Center ng Department of Health, na kanilang binabantayan at gumagawa ng karampatang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.

          Inpinabatid naman ni Ms. Vanessa Tobin, country representative ng UNICEF, na ang Pilipinas ay kahanay ng Armenia, Bangladesh, Georgia, Kazakhstan at Tajikistan, bilang may mataas na porsyento ng pagdami ng kaso ng HIV/AIDS.

          “Infections in the Philippines are increasing at an alarming rate. We cannot be complacent any longer,” pahayag ni Ms. Tobin.

          Dahil dito, aniya, kailangang mag-invest ang gobyerno para pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng mga kabataan lalo sa edukasyon ng mga ito. Mac Cabreros





(Disclamer)
Bene Nota: The views and opinions expressed here by the author are personal to him, and do not reflect the views and opinions of the website owners and administrators. Any issue or complaint about the article must be addressed solely to the author, who is solely responsible for the article.