Joseph Abeleda
Joseph AbeledaNovember 9, 2010 at 1:54am
Subject: Sigaw ng Transport Sector sa COMELEC: Tayo na sa matuwid na daan!
“Tayo na sa matuwid na daan!” Iyan ang panawagan ng ating mahal na Pangulong Noy Noy Aquino sa mga mamamayan. Iyan din ang paninindigan ng transport sector sa pagkapanalo ng 1-UTAK Party-list sa kongreso ngunit naantala lang sa diskwalipikasyon kay Angelo Reyes bilang unang nominado.

Subalit ang mga ito ay natugunan na ng partido ng mga tamang hakbang na dapat gawin upang maisaayos ang pagluklok bilang party-list representative mahigit isang buwan na ang nakalipas. Ang napili ng samahan na maging representante sa kongreso ay si Engr. Homer Mercado, isang hakbang upang mapadali ang nasabing pag-upo ng partido at matugunan ang panawagan ng ating pangulo.

Napakatagal na panahon ang nawawala upang ang sektor ng transportasyon ay mapaglingkuran na ng kanyang party-list, pero ang COMELEC ay parang nananatiling tulog sa pagbibigay tugon sa iyak ng mga mamamayan.

Hindi na tayo dapat maghanap ng dahilan kung bakit hindi pa umuunlad ang bayan dahil ang transport sector ay patuloy na nagdurusa. Pansinin natin, lahat ng bansang maunlad ay may mahusay na sistema ng transportasyon. Kailan pa natin ito magagawa kung mismong kinatawan ng transportasyon sa kongreso ay hindi makaupo?

Sana naman ay hindi ito karugtong na pagdurusa na tinamasa ng grupo noong nakaraang administrasyon. Kung pulitika ang dahilan, malinaw naman na ang mismong CDF ng 1-UTAK noong nakaraang taon ay hindi ibinigay.

Maaga pang magsalita pero sana nga ay totoo ang mga katagang binitawan ng ating pangulo sapagkat ang mismong mga ahensya tulad ng COMELEC ang nagbibigay ng hindi magandang impresyon sa ating gobyerno. Ayaw na ng transport sector na magpatuloy pa ang hindi makatarungang pagtrato ng gobyerno. Ilang ulit na bang napatunayan sa mga rally ang kahalagahan ng transportasyon? 

Hihintayin pa ba natin na bumalik kalsada sa mga ganitong pamamaraan ang mga grupo ng transportasyon?

Gusto na sa hanay ng transportasyon na sumama sa “matuwid ng daan” at ginagawa na namin ito. Ito ang panawagan namin sa COMELEC, iluklok na ang 1-UTAK Party-list upang marinig na ang boses ng transportasyon at makita ang pag-unlad sa hanay ng transportasyon.